YouVersion Logo
Search Icon

Exodus 26

26
Ang Toldang Sambahan
(Exo. 36:8-38)
1“Magpagawa ka ng Toldang Sambahan. Ito ang mga gagamitin sa paggawa nito: sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. 2Kailangang magkakasukat ang bawat tela na may habang 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. 3Pagdugtong-dugtungin ninyo ito ng tiglilima. 4At pagawan mo ng parang singsing na telang asul ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 5at tig-50 na parang singsing na tela sa bawat dulo at kailangan magkatapat sa isaʼt isa. 6Magpagawa ka ng 50 kawit na ginto para mapagkabit ang parang mga singsing na tela sa dalawang pinagsamang tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.
7“Pagawan mo ng talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 8Kailangang may haba na 45 talampakan ang bawat tela at anim na talampakan ang lapad. 9Pagdugtong-dugtungin mo ang limang tela at ganoon din ang gawin sa natirang anim. Ang ikaanim naman ay tutupiin at ilalagay sa harap ng tolda. 10Palagyan mo rin ito ng 50 parang singsing na tela ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 11at ikabit dito ang 50 tansong kawit. 12Ilaylay mo sa likod ng Tolda ang kalahati ng sobrang tela, 13at ilaylay din sa bawat gilid ang isaʼt kalahating talampakan ng tela na sobra sa pangtalukbong ng Tolda. 14Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.#26:14 magandang klase ng balat: Maaaring ang ibig sabihin, balat ng “dolphin.”
15“Dapat ang balangkas ng Tolda ay tablang akasya. 16Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at ang lapad ay dalawang talampakan. 17Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa#26:17 mitsa: sa Ingles, “tenon.” para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 18Ang 20 sa mga tablang ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Tolda sa timog na bahagi. 19Ang mga tablang ito ay isinuksok sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 20Ang hilagang bahagi ng Tolda ay gagamitan din ng 20 tabla, 21at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 22Ang bandang kanlurang bahagi naman ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 23at dalawang tabla sa mga gilid nito. 24Pagdugtungin ang mga tabla sa mga sulok mula sa ilalim hanggang sa itaas. Kailangang ganito rin ang gawin sa dalawang tabla sa mga gilid. 25Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.
26“Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 27lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda. 28Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo. 29Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang#26:29 argolya: Tingnan ang “footnote” sa 25:12. Ganito rin sa 27:4. ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga.
30“Kailangang ipatayo mo ang Toldang Sambahan ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok.
31“Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin. 32Ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa apat na haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 33Kapag nakabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar. 34Ang Kahon ng Kasunduan ay dapat ilagay sa Pinakabanal na Lugar at dapat may takip ito. 35Ilagay ang mesa sa labas ng Pinakabanal na Lugar, sa hilagang bahagi ng Tolda, at sa bandang timog, ilagay sa tapat ng mesa ang lalagyan ng ilaw.
36“Magpagawa ka ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 37Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang pundasyong tanso.

Currently Selected:

Exodus 26: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in