Mga Awit 105:1-22
Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan, ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam. Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan, ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay. Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya, ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila, lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya. Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan. Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa, ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala. Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham, gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang. Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos, sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob. Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman, ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan. Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham, at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal; sa harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay, para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan. Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha, bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.” Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami, kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili. Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat, kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak. Sinuman ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin, ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin. Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang, ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan. Sa lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain. Subalit ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki, tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose; mga paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena, pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya. Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh, na siyang nangakong siya'y tutubusin. Ang ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya, pinalaya siya nitong haring ito na namamahala. Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala, sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala. Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo, siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
Mga Awit 105:1-22