Mga Awit 105:1-10
Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan, ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam. Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan, ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay. Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya, ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila, lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya. Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan. Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa, ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala. Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham, gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang. Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos, sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob. Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman, ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan. Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham, at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal; sa harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay, para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
Mga Awit 105:1-10