Mga Awit 103:1-12
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa! At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya. Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa, at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa. Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad, at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat. Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas, at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag. Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay, kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan. Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan; natatamo ng inapi ang kanilang karapatan. Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin; ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel. Si Yahweh ay mahabagi't mapagmahal, hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig. Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim; yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim. Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa, hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala. Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya, gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya. Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
Mga Awit 103:1-12