Mateo 28:5-20
Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! At papunta na siya sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.” At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari. Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!” Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lunsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.” Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!” Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang balitang ipinagsasabi sa mga Judio. Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
Mateo 28:5-20