Juan 15:1-10
“Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin. “Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay matutuyo at itinatapon, gaya ng sanga. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at sinusunog. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at ibibigay iyon sa inyo. Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga bilang aking mga alagad. Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
Juan 15:1-10