Isaias 9:1-8
Ngunit napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil! Nakakita ng isang maningning na liwanag ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman; sumikat na ang liwanag sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim. Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang, dinagdagan mo ang kanilang tuwa. Nagagalak sila na parang panahon ng anihan, at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan. Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan. Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali tulad sa Midian na iyong ginapi. Ang panyapak ng mga mandirigma, at ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin. Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Magiging malawak ang kanyang kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian. Itatatag niya ito at pamamahalaan na may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Nagsalita ang Panginoon laban kay Jacob, sa kaharian ng Israel.
Isaias 9:1-8