Isaias 43:1-21
Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo, “Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok. Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko ang Egipto, Etiopia at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya. Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka, sapagkat mahalaga ka sa akin; mahal kita, kaya't pararangalan kita. Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo! Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran, at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan. Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain. Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan, hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako; mula sa lahat ng panig ng daigdig. Sila ang aking bayan na aking nilalang, upang ako'y bigyan ng karangalan.” Sinabi ni Yahweh, “Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan. Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita, may mga tainga ngunit hindi nakakarinig. Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis. Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari? Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon? Bayaan silang magharap ng mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi at patunayang sila ay tama. Bayang Israel, ikaw ang saksi ko, pinili kita upang maging lingkod ko, upang makilala mo ako at manalig ka sa akin. Walang ibang Diyos maliban sa akin, walang nauna at wala ring papalit. Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa; walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin. Noong una pa man ako'y nagpahayag na. Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito. Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos; kayo ang mga saksi ko. Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman, walang makakatakas sa aking kapangyarihan; at walang makakahadlang sa aking ginagawa.” Sinabi pa ni Yahweh, ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel: “Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo. Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon. Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal, ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang! Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat, upang maging kalsadang tawiran. Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo. Nilipol niya ang kanilang mga kabayo. At ang kanilang mga karwahe'y winasak; sila'y nabuwal at hindi na nakabangon; parang isang ilaw na namatay ang dingas.” Ito ang sabi niya: “Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa, ang mga nangyari noong unang panahon. Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita? Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito. Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits, sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto, upang may mainom ang mga taong hinirang ko. Nilalang ko sila upang maging aking bayan, upang ako'y kanilang laging papurihan!”
Isaias 43:1-21