Mga Hebreo 12:1-25
Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pag-aalay ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob? “Anak ko, huwag mong bale-walain ang pagtutuwid ng Panginoon, at huwag mong mamasamain kapag ikaw ay dinidisiplina niya. Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya, at pinapalo ang itinuturing niyang anak.” Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling. Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha. Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin. Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila, sapagkat hindi nila matagalan ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” Talagang nakakakilabot ang kanilang natatanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!” Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lunsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. Dumalo kayo sa masayang pagtitipon ng mga itinuring na panganay. Ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. Lumapit kayo kay Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan. Ang dugo niyang dumanak ay may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel. Kaya't makinig kayong mabuti sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit!
Mga Hebreo 12:1-25