Mga Hebreo 11:1-30
Ang pananampalataya ay pagtitiwala na mangyayari ang ating mga inaasahan, at katiyakan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya. Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay mula sa mga hindi nakikita. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na siya, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya. Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap din naman ng pangakong katulad niyon. Sapagkat matapat na hinihintay ni Abraham ang isang lunsod na Diyos mismo ang nagplano at nagtatag. Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako. Kaya't sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Silang lahat ay namatay na may pananampalataya sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang mahal nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. Ngunit ang hinahangad nila'y isang lunsod na higit na mabuti, ang lunsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lunsod. Nang subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinhagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sinabi ni Jose nang siya'y malapit nang mamatay na makakaalis sa Egipto ang mga Israelita, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw ng mundong ito na dulot ng kasalanan. Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap. Ang pananampalataya din sa Diyos ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto kahit magalit ang hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. Dahil din sa pananampalataya na iyan, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid. Dahil sa pananampalataya ng mga Israelita sa Diyos, gumuho ang pader ng Jerico matapos nilang ligirin ito nang pitong araw.
Mga Hebreo 11:1-30