Mga Taga-Colosas 3:1-10
Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan. Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos ang mga taong ayaw pasakop sa kanya. Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pitang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito. Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala.
Mga Taga-Colosas 3:1-10