Mga Taga-Colosas 1:15-24
Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus. Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. Ngunit sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo, kayo ay ginawang kaibigan ng Diyos, nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging tagapangaral ng Magandang Balitang ito na ipinahayag sa lahat ng tao sa buong daigdig. Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan.
Mga Taga-Colosas 1:15-24