2 Mga Taga-Corinto 7:1-16
Mga minamahal, sapagkat ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos. Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin pininsala, siniraan o pinagsamantalahan ang sinuman sa inyo. Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, mahal na mahal namin kayo at magkasama tayo sa buhay at kamatayan. Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat naming tinitiis, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw sa puso ko ang kagalakan. Nang kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa mga di-kaanib sa iglesya at takot naman na nasa aming puso. Subalit ang mga naghihinagpis ay hindi pinababayaan ng Diyos; inaliw niya kami sa pagdating ni Tito. Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang kabutihang ginawa ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak. Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunti dahil sa aking sulat. Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napasamâ dahil sa amin. Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan. Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos, naging masikap kayo at masigasig na ipakilalang kayo'y walang kasalanan tungkol sa mga bagay na iyon. Namuhi kayo sa inyong sarili; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang kinalaman sa mga bagay na iyon. Alam ng Diyos na ang pagsulat ko sa inyo ay hindi dahil sa taong nagkasala, o sa taong ginawan ng kasalanan, kundi upang makita ninyo kung gaano ang inyong pagmamalasakit sa amin. Kaya't ang ginawa ninyo ay nagdulot sa amin ng malaking kaaliwan. At nalubos ang aming kagalakan dahil sa kasiyahang nadama ni Tito sa inyong piling. Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at hindi naman ako napahiya. Sapagkat kung paanong lahat ng sinasabi ko sa inyo ay totoo, napatunayang totoo rin ang lahat ng sinabi ko kay Tito tungkol sa inyo. At habang iniisip niya ang inyong pagkamasunurin, lalo naman kayong napapamahal sa kanya. Hindi rin niya malimut-limutan ang magandang pagtanggap at paggalang ninyo sa kanya. Labis akong nagagalak dahil kayo'y lubos kong mapagkakatiwalaan.
2 Mga Taga-Corinto 7:1-16