2 Mga Taga-Corinto 5:14-20
Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila. Kaya ngayon, ang pagtingin natin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang ating pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya tayong mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinili niya kami upang ang iba pang mga tao ay maging kaibigan rin niya. Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito. Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos.
2 Mga Taga-Corinto 5:14-20