1 Samuel 2:1-36
Ganito ang naging panalangin ni Ana: “Pinupuri kita, Yahweh dahil sa iyong kaloob sa akin. Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan, sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan. “Si Yahweh lamang ang banal. Wala siyang katulad, walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos. Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh, walang maaaring maghambog, sapagkat alam mo ang lahat ng bagay, ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao. Ginapi mo ang mga makapangyarihan, at pinapalakas ninyo ang mahihina. Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain. Masagana ngayon ang dating maralita. Nagsilang ng pito ang dating baog, at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot. Ikaw, O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay. Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli. Maaari mo kaming payamanin o paghirapin, maaari ring ibaba o itaas. Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba, mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha. Maihahanay mo sila sa mga maharlika, mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa. Hawak mo ang langit na nilikha, at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa. “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo, ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan. Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas. Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot; kapag pinapadagundong mo ang mga kulog. Hahatulan mo ang buong daigdig, at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.” Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli. Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh. Wala rin silang galang sa regulasyon ng pagkapari. Tuwing may maghahandog, pinapapunta nila ang kanilang mga katulong habang pinapakuluan pa lang ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay itinuturing na nilang para sa pari. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Shilo ang mga Israelita. Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na ng mga katulong ang mga naghahandog at sinasabi, “Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa pari. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang gusto niya upang maiihaw niya ito.” Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maialay ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: “Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.” Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog para kay Yahweh. Nagpatuloy ng paglilingkod kay Yahweh ang batang si Samuel, na noo'y nakasuot ng efod. Taun-taon, gumagawa ng balabal ang kanyang ina at ibinibigay ito sa kanya tuwing ang kanyang mga magulang ay naghahandog sa Shilo. Ang mag-asawang Elkana at Ana naman ay laging binabasbasan ni Eli. Sinasabi niya, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.” Matapos mabasbasan, umuuwi na sila. Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh, at paglipas ng ilang taon siya'y nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki naman si Samuel sa paglilingkod kay Yahweh. Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao. Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto. Sa mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan. Bakit ninyo pinagnanasaang maangkin ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa sa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog para sa akin? Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makakalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin. Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiikliin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay. Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiikliin ko nga ang inyong buhay. Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng kalooban. Mamamatay sa tabak ang iyong buong pamilya. Bilang katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Hofni at Finehas. Samantala, pipili ako ng isang paring magiging tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng sambahayan na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin. Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng pari para lamang mabuhay.’”
1 Samuel 2:1-36