1 Samuel 2:1-26
Ganito ang naging panalangin ni Ana: “Pinupuri kita, Yahweh dahil sa iyong kaloob sa akin. Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan, sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan. “Si Yahweh lamang ang banal. Wala siyang katulad, walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos. Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh, walang maaaring maghambog, sapagkat alam mo ang lahat ng bagay, ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao. Ginapi mo ang mga makapangyarihan, at pinapalakas ninyo ang mahihina. Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain. Masagana ngayon ang dating maralita. Nagsilang ng pito ang dating baog, at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot. Ikaw, O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay. Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli. Maaari mo kaming payamanin o paghirapin, maaari ring ibaba o itaas. Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba, mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha. Maihahanay mo sila sa mga maharlika, mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa. Hawak mo ang langit na nilikha, at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa. “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo, ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan. Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas. Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot; kapag pinapadagundong mo ang mga kulog. Hahatulan mo ang buong daigdig, at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.” Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli. Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh. Wala rin silang galang sa regulasyon ng pagkapari. Tuwing may maghahandog, pinapapunta nila ang kanilang mga katulong habang pinapakuluan pa lang ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay itinuturing na nilang para sa pari. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Shilo ang mga Israelita. Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na ng mga katulong ang mga naghahandog at sinasabi, “Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa pari. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang gusto niya upang maiihaw niya ito.” Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maialay ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: “Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.” Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog para kay Yahweh. Nagpatuloy ng paglilingkod kay Yahweh ang batang si Samuel, na noo'y nakasuot ng efod. Taun-taon, gumagawa ng balabal ang kanyang ina at ibinibigay ito sa kanya tuwing ang kanyang mga magulang ay naghahandog sa Shilo. Ang mag-asawang Elkana at Ana naman ay laging binabasbasan ni Eli. Sinasabi niya, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.” Matapos mabasbasan, umuuwi na sila. Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh, at paglipas ng ilang taon siya'y nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki naman si Samuel sa paglilingkod kay Yahweh. Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.
1 Samuel 2:1-26