1 Juan 3:1-24
Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos, at iyan nga ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo. Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya. Mga anak, huwag kayong padaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay isang matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y gumagawa na ng kasalanan ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang tinanggap ng Diyos bilang anak niya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanya ang buhay na galing sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama niya, hindi siya maaaring magpatuloy sa pagkakasala. Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos. Ito ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. Huwag tayong tumulad kay Cain; siya'y kampon ng diyablo. Pinatay niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid. Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang kapatiran. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa kapatiran. Kapag nakikita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan lamang ng salita, subalit ipakita rin natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. Dito nga natin makikilalang tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.
1 Juan 3:1-24