1 Juan 2:1-11
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, na isang matuwid. Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao. Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos. Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo. Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin. Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.
1 Juan 2:1-11