Unawain ang SabbathHalimbawa
Ano Hindi ang Sabbath
Ang pagtupad sa Sabbath ay malaking bagay sa pananampalatayang Judio. Ilang taong pinagdebatihan ito ng mga dalubhasang Judio. Imbes na magpahinga at makipagniig sa kanilang Maylalang, mas abala silang makitaang masusing sumusunod sa kautusan.
Ang totoo nito, nang dumating si Jesus sa mundo, inilunsad Niya ang Kanyang pampublikong ministeryo sa Sabbath. Hindi lang na ang Kanyang pagdating sa mundo ay hindi naayon sa inaasahan ng ilang lider ng relihiyong Judio, na tinawag na mga Pariseo, ngunit lubos Niyang sinalungat ang kanilang mga patakaran patungkol sa Sabbath.
May mahaba-habang pagtatalakay patungkol sa Sabbath sa Mateo 12. Dito, si Jesus at ang Kanyang mga alagad ay naparaan sa bukirin ng mga trigo at sila'y nagutom. Kaya't, kumain sila. Kumuha sila ng mga butil ng trigo at kumain nito noong Sabbath. Walang problema, tama? Mali. Ito'y itinuring na “pag-aani” sa mga mata ng mga Pariseo, at iyon ay mahigpit na ipinagbabawal sa Sabbath.
Sinagot ni Jesus ang kanilang mga akusasyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa isang kuwento sa “Kautusan,” o Lumang Tipan, kung saan si David at kanyang mga kaibigan ay nagutom at kalauna'y kumain ng tinapay na mga pari lamang ang may karapatang kumain. Nagtapos Siya sa pagsasabi ng, “Sapagkat ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.” (Mateo 12:8 ABTAG01)
Kung ang pagkuha ng butil ay hindi pa sapat para mabahala ang mga relihiyosong lalaking iyon, ang sunod na ginawa ni Jesus ay sumapat na. Pumunta Siya sa sinagoga at nakita ang isang lalaking tuyo ang isang kamay. Sinabihan ni Jesus ang lalaking iunat ang kamay niya, at nang ginawa niya ito, gumaling ito gaya ng kabilang kamay. Ganoon lang. Imbes na mamangha sa kapangyarihan ni Jesus, nagpasya ang mga Pariseong panahon nang planuhin ang Kanyang kamatayan.
Abalang-abala ang mga Pariseo sa mga “panuntunang” binabali ni Jesus sa Sabbath na lubos na nilang nalimutan ang mga tao. Tila nalingat sila sa buong diwa ng Sabbath, at tinanaw ito na isa lamang panuntunang tutuparin, at hindi nakitang ito'y para sa kanilang kapakanan. Ang totoo nito, ito'y isang regalo mula sa Diyos para pakilahokan nila. Binigyan sila ng Diyos ng isang buong araw na makapagpahinga at matamasa ang mundong nilikha ng Diyos, ngunit ipinagsawalang-bahala lang nila ito.
Sa Exodo 20:10, ang Hebreong salita para sa gawain ay mela’kah, at ang ibig sabihin nito ay okupasyon o negosyo. Ang Sabbath ay patungkol sa hindi pagtatrabaho. Walang anumang banggit dito ng hindi pagtulong sa kapwa. Sa mga Pariseo, ang pagtupad sa Sabbath ay labis na mas mahalaga kaysa ang makitang gumaling ang sinuman. Ngunit, wala namang utos o pagbabawal si Jesus laban sa paggawa ng mabuti sa buhay ng ibang tao. Nakatuon ang kanilang mga mata sa “kung paano” na bahagi ng kung bakit ibinigay at inutos ng Diyos ito. Ngunit, ang pamamahinga mula sa pagtatrabaho ay hindi nangangahulugang matitigil ang mabubuting bagay. Ang Diyos ay mabuti at gumagawa Siya ng mabuti...kahit sa Sabbath.
Ang sipi patungkol sa Sabbath ay hindi gaanong patungkol sa “kung paano” at “kung kailan” ng pagsunod sa utos na ito. May layunin ang Sabbath, at doon tayo marapat na tumuon. Dito papasok ang kaibahan ng batas at prinsipyo. Ang batas ay mahigpit at nagbabawal. Ang mga prinsipyo ay madaling iakma at naghahatid ng kalayaan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang karamihan sa atin ay labis-labis magtrabaho at pagod na pagod, kaya't ang konsepto ng Sabbath ay talagang mahalaga. Ang igalang ang Sabbath ay nangangahulugang pagturing ditong banal, at ang pagturing na banal ay ang paglalaan at pagrereserba nito. Marapat na naiiba ang ating Sabbath kaysa anim na araw sa ating buong linggo. Sa Gabay na ito, tatalakayin natin kung ano ito, kung ano ito hindi, kung ano ito sa kasalukuyan, at ang pagsumpong sa tunay na kapahingahan kay Jesus.
More