Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pagiging Determinado sa Iyong Buhay May-asawaHalimbawa

Being Intentional In Your Marriage

ARAW 2 NG 5

Makipag-ugnayan Araw-araw

Ang tunay na pakikipag-ugnayan sa ating asawa araw-araw ay napakahalaga para sa ating buhay may-asawa. Kung wala ito, makikita nating walang pag-unlad ang ating relasyon. Kapag hindi tayo determinado at hindi tayo namumuhunan sa ating asawa, magiging sanhi ito ng pagkakalayo at paglaon ay parang kasama mo na lang siya sa kuwarto at kasama bilang magulang ng mga anak ninyo. Ang araw-araw na pakikipag-ugnayan sa ating asawa ay pagiging maagap. Narito ang ilang mga pangunahing gawain na dapat nating isama sa bawat araw. 

Manalangin 
Ang pananalangin para sa mga tao ay hindi naman talaga mahirap sa mga tagasunod ni Jesus. Pero ang paggawa ng pangakong manalangin kasama ang ibang tao, lalo na ang ating asawa, ay isa sa mga gawaing napapabayaan ng mga mag-asawa. Madaling magsabi ng paminsan-minsang panalangin sa Diyos para sa ating asawa para makakuha ng trabaho o kaya ay gumaling sa karamdaman, pero ang manalangin nang malakas kasama sila? Maaaring nakakatakot ito at nakakahiya dahil iniisip ng mga taong hindi nila ito nagagawa nang tama. Ang layunin ng pananalangin nang magkasama ay hindi naman para maging sobrang espirituwal, kundi ang makipag-ugnayan sa posibleng pinakamalalim na lugar kasama ang ating Manlilikha. Kung ang pananalangin ay isang bagay na hindi mo nagagawa nang palagian kasama ang iyong asawa, magdesisyong magsimula sa araw na ito. Magsimula lang sa simpleng paghiling sa Diyos na bigyan kayo ng kalakasan para sa araw na ito at pagkatapos ay maghalinhinan kayong mamuno sa panalangin sa bawat araw. Sa paggawa ninyo ng isang pang-araw-araw na espirituwal na gawain, hindi lang lalakas ang pakikipag-ugnayan mo sa Diyos at sa iyong asawa, kundi ang mga panalangin ay magiging mas malalim at madadagdagan ang mga ipapanalangin ninyo. 

Makipag-usap 
Ang pag-uusap sa isang buhay may-asawa ay napakahalaga. Pinipigilan nito ang pagkakalayo ng mga mag-asawa. Kapag pinag-uusapan natin ang mga nangyari sa atin sa buong araw, kapag ibinabahagi natin ang ating mga naging karanasan, at kapag sinasabi natin sa ating asawa ang mga bagay na ikinababahala natin, lumilikha ito ng ugnayan sa isa't-isa at pinalalakas nito ang ating buhay may-asawa. Kapag dinala pa natin ito sa susunod na hakbang at ibinahagi natin ang ating relasyon sa Diyos at kung anong natututunan natin, lalo pang lumalalim ang ating koneksyon patungo sa pagiging mas malapit sa isa't-isa. Gumugol ng oras upang makipag-usap sa iyong asawa hindi lamang sa pamamagitan ng paglalahad ng kung anong nasa puso mo kundi sa pamamagitan din ng pagiging mabuting tagapakinig kapag sila naman ang nagsasalita. Pag-usapan ang estado ng inyong pakikipag-usap sa isa't-isa at gumawa ng mga hakbang kung paanong mapapabuti pa ito. 

Maging Maalalahanin
Noong nagsimula tayo sa ating mga relasyon sa pamamagitan ng paglabas-labas na magkasama, hindi natin kailangang pilitin ang sariling isipin ang taong nakakasama natin. Ngunit, habang lumilipas ang panahon, lalo na kapag mag-asawa na, kung minsan ay hindi ito nagiging madali para sa atin. Ibig sabihin ay kailangan nating magsumikap upang maging maalalahanin. Pwede tayong maglagay ng mga paalala bawat araw upang tumawag o mag-text. Pwede rin tayong mag-iwan ng maiikling sulat na maaari nilang makita. O kaya naman ay pwede natin silang tawagan o i-text kapag may nakita tayong anuman na nagpapaalala sa atin sa kanila at dahil dito ay nagpapasalamat tayo. Hindi man ganoon ka-romantiko na nagtatala tayo para mabigyang-paalala, ngunit ang alternatibo dito ay ang magkulang tayo sa ang ating asawa. Tanungin ang iyong asawa kung nararamdaman ba niyang siya ay napagmamalasakitan sa paraang ito at pagkatapos ay magsumikap upang matugunan ang kanyang pangangailangan.

Pagninilay
Saang bahagi kailangan mong mapagbuti ang iyong buhay may-asawa? Sa panalangin, sa pakikipag-usap o sa pagiging maalalahanin?

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Being Intentional In Your Marriage

Ang isang matibay at malusog na buhay may-asawa ay hindi aksidenteng nangyayari lamang. Ang pagiging determinado ang susi sa pagkakaroon ng isang buhay may-asawang pinapangarap mo. Sa 5-araw na Babasahing Gabay na ito, bubulusok tayo sa iba't-ibang mga paksa na makakatulong sa iyo upang simulan ang proseso ng pagiging determinado kasama ang asawa mo upang marating mo ang buhay may-asawang hinahangad mo.

More

Ang orihinal na Gabay sa Biblia na ito ay ginawa at nagmula sa YouVersion.