Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 7:1-23

Marcos 7:1-23 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kinaugalian. (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, at mga higaan.) Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.” Sinagot sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat, ‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’ Winawalang-kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga katuruan ng tao.” Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! Halimbawa, iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos ang mga tulong ko sa inyo’; ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong itinuturong katulad nito.” Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! Walang pagkain na pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas dito.” Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga. “Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya, sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin. At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya.”

Marcos 7:1-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain. Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis. Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na, ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila, ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.” Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’ at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’ Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.” Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!] Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Marcos 7:1-23 Ang Biblia (TLAB)

At nakisama sa kanila ang mga Fariseo, at ilan sa mga eskriba, na nagsipanggaling sa Jerusalem, At kanilang nangakita ang ilan sa kaniyang mga alagad na nagsisikain ng kanilang tinapay ng mga kamay na marurumi, sa makatuwid baga'y mga kamay na hindi hinugasan. (Sapagka't ang mga Fariseo, at ang lahat ng mga Judio, ay hindi nagsisikain, kundi muna mangaghugas na maingat ng mga kamay, na pinanghahawakan ang mga sali't-saling sabi ng matatanda; At kung nagsisipanggaling sila sa pamilihan, kung hindi muna mangaghugas, ay hindi sila nagsisikain; at may iba pang maraming bagay na kanilang minana, upang ganapin; gaya ng mga paghuhugas ng mga inuman, at ng mga saro, at ng mga inumang tanso.) At siya'y tinanong ng mga Fariseo at ng mga eskriba, Bakit ang iyong mga alagad ay hindi nagsisilakad ng ayon sa sali't-saling sabi ng matatanda, kundi nagsisikain sila ng kanilang tinapay ng mga kamay na karumaldumal? At sinabi niya sa kanila, Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao. Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao. At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos ng Dios, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't-saling sabi. Sapagka't sinabi ni Moises, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ang manungayaw sa ama o sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala: Datapuwa't sinasabi ninyo, Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay Corban, sa makatuwid baga'y, hain sa Dios; Hindi na ninyo siya pinabayaang gumawa ng anoman na ukol sa kaniyang ama o sa kaniyang ina; Na niwawalang kabuluhan ang salita ng Dios ng inyong sali't-saling sabi, na inyong itinuro: at nagsisigawa kayo ng iba pang maraming bagay na kawangis nito. At muling pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sinabi sa kanila, Pakinggan ninyong lahat ako, at inyong unawain: Walang anomang nasa labas ng katawan ng tao, na pagpasok sa kaniya ay makakahawa sa kaniya; datapuwa't ang mga bagay na nagsisilabas sa tao yaon ang nangakakahawa sa tao. Kung ang sinoman ay may pakinig na ipakikinig ay makinig. At nang pumasok siya sa bahay na mula sa karamihan, ay itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang talinghaga. At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya; Sapagka't hindi pumapasok sa kaniyang puso, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas sa dakong daanan ng dumi? Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain. At sinabi niya, Ang lumalabas sa tao, yaon ang nakakahawa sa tao. Sapagka't mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pagiisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya, Ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan: Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa sa tao.

Marcos 7:1-23 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)