Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 15:1-47

Marcos 15:1-47 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus. Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang paratang laban sa iyo.” Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato. Tuwing Pista ng Paskwa, si Pilato ay nagpapalaya ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus. Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gusto ninyong gawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus. Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. Matapos kutyain, siya'y hinubaran nila ng balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus. Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” May dalawang tulisang kasabay niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” Kinukutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!” Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya. Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya. Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Sanedrin. Siya rin ay naghihintay na maghari ang Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung ito'y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus.

Marcos 15:1-47 Ang Salita ng Dios (ASND)

Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio, mga tagapagturo ng Kautusan at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Ginapos nila si Jesus at dinala kay Gobernador Pilato. Nang naroon na sila, tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Maraming paratang ang mga namamahalang pari laban kay Jesus. Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Wala ka bang sagot sa paratang ng mga ito? Marami silang paratang laban sa iyo!” Pero hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya nagtaka si Pilato. Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ni Pilato na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. May isang bilanggo roon na ang pangalan ay Barabas. Nabilanggo siya dahil kabilang siya sa mga nakapatay noong naghimagsik sila laban sa pamahalaan. Marami ang lumapit kay Pilato at hiniling na gawin muli ang nakaugaliang pagpapalaya ng bilanggo. Kaya tinanong sila ni Pilato, “Gusto ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?” Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa mga namamahalang pari na dalhin sa kanya si Jesus. Sinulsulan ng mga namamahalang pari ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain at hindi si Jesus. Nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Ano ngayon ang gagawin ko sa taong tinatawag nʼyong Hari ng mga Judio?” Sumigaw sila, “Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Dahil gustong pagbigyan ni Pilato ang mga tao, pinalaya niya si Barabas. Ipinahagupit naman niya si Jesus at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus. Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador at tinipon nila roon ang buong batalyon ng mga sundalo. Sinuotan nila si Jesus ng kapa na kulay ube at gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pakutya silang nagsisigaw, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At paulit-ulit nilang pinaghahampas ng tungkod ang kanyang ulo, at pinagduduraan nila siya. Lumuluhod sila sa kanya na kunwari ay sumasamba sa kanya. Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila ang kulay ubeng kapa at ipinasuot ang kanyang damit. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus. Habang naglalakad sila, nasalubong nila ang isang tao na galing sa bukid. Siyaʼy si Simon na taga-Cyrene, na ama ni Alexander at ni Rufus. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Pagkatapos, dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo.” Pagdating nila roon, binigyan nila si Jesus ng alak na may halong mira, pero hindi niya ito ininom. Ipinako nila sa krus si Jesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus. May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. [Sa pangyayaring ito, natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Napabilang siya sa mga kriminal.”] Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sabay sabi, “O ano ngayon? Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bumaba ka sa krus at iligtas mo ang iyong sarili!” Ganito rin ang pangungutya ng mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili! Tingnan nga natin kung makakababa sa krus ang Cristong ito na hari raw ng Israel! Kapag nakababa siya, maniniwala na tayo sa kanya.” Maging ang mga ipinakong kasabay niya ay nang-insulto rin sa kanya. Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” Tumakbo agad ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus para sipsipin niya. Sinabi ng taong iyon, “Tingnan natin kung darating nga si Elias upang ibaba siya sa krus.” Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Nakatayo sa harap ng krus ang kapitan ng mga sundalo at nakita niya kung paanong nalagutan ng hininga si Jesus. Sinabi niya, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ni Jose at ng nakababata nitong kapatid na si Santiago. Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Jesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumama sa kanya sa Jerusalem. Namatay si Jesus sa araw ng paghahanda para sa pista. Padilim na noon, at ang susunod na araw ay Araw ng Pamamahinga. Kaya naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na puntahan si Pilato at hingin ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isa sa mga iginagalang na miyembro ng Korte ng mga Judio. At isa siya sa mga naghihintay sa pagdating ng paghahari ng Dios. Nang marinig ni Pilato na patay na si Jesus, nagtaka siya. Kaya ipinatawag niya ang kapitan ng mga sundalo at tinanong kung patay na nga si Jesus. At nang marinig ni Pilato sa kapitan na patay na nga si Jesus, pinayagan niya si Jose na kunin ang bangkay ni Jesus. Bumili si Jose ng mamahaling telang linen at kinuha ang bangkay ni Jesus sa krus. Binalot niya ito ng telang binili niya at inilagay sa libingang hinukay sa gilid ng burol. At pinagulong niya ang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan. Nagmamasid noon si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Jose, kaya nakita nila kung saan inilibing si Jesus.

Marcos 15:1-47 Ang Biblia (TLAB)

At pagdaka, pagkaumaga ay nangagsangusapan ang mga pangulong saserdote pati ng matatanda at mga eskriba, at ang buong Sanedrin, at ginapos si Jesus, at inilabas siya, at ibinigay siya kay Pilato. At itinanong sa kaniya ni Pilato, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At pagsagot niya ay sinabi sa kaniya, Ikaw ang nagsasabi. At isinakdal siya sa maraming bagay ng mga pangulong saserdote. At muling tinanong siya ni Pilato, na sinasabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? tingnan mo kung gaano karaming bagay ang kanilang isinasakdal laban sa iyo. Datapuwa't si Jesus ay hindi na sumagot ng anoman; ano pa't nanggilalas si Pilato. Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian niya na pawalan sa kanila ang isang bilanggo, na kanilang hingin sa kaniya. At mayroong isa na kung tawagin ay Barrabas, na nagagapos na kasama ng nangaghimagsik, mga taong nagsipatay ng mga tao sa panghihimagsik. At nagsipanhik ang karamihan at nangagpasimulang hingin sa kaniya na sa kanila'y gawin ang gaya ng sa kanila'y laging ginagawa. At sinagot sila ni Pilato, na sinasabi, Ibig baga ninyo na pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio? Sapagka't natatalastas niya na sa kapanaghilian ay ibinigay siya ng mga pangulong saserdote. Datapuwa't inudyukan ng mga pangulong saserdote ang karamihan, na si Barrabas na muna ang siya niyang pawalan sa kanila. At sumagot na muli si Pilato at sa kanila'y sinabi, Ano nga ang aking gagawin sa inyong tinatawag na Hari ng mga Judio? At sila'y muling nagsigawan, Ipako siya sa krus. At sinabi sa kanila ni Pilato, Bakit, anong masama ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nagsigawan, Ipako siya sa krus. At sa pagkaibig ni Pilato na magbigay-loob sa karamihan, ay pinawalan sa kanila si Barrabas, at ibinigay si Jesus, pagkatapos na siya'y mahampas niya, upang siya'y ipako sa krus. At dinala siya ng mga kawal sa looban, na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong pulutong. At siya'y kanilang dinamtan ng kulay-ube, at nang makapagkamakama ng isang putong na tinik, ay ipinutong nila sa kaniya. At nagpasimula silang siya'y batiin, Aba, Hari ng mga Judio! At sinaktan nila ang kaniyang ulo ng isang tambo, at siya'y niluluraan, at pagkaluhod nila, siya'y sinamba. At nang siya'y kanilang malibak na, ay inalis nila sa kaniya ang kulay-ube, at isinuot sa kaniya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako siya sa krus. At kanilang pinilit ang isang nagdaraan, si Simon na taga Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggagaling sa bukid, upang sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus. At siya'y kanilang dinala sa dako ng Golgota, na kung liliwanagin ay, Ang dako ng bungo. At siya'y dinulutan nila ng alak na hinaluan ng mirra: datapuwa't hindi niya tinanggap. At siya'y kanilang ipinako sa krus, at kanilang pinaghatihatian ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang dadalhin ng bawa't isa. At ikatlo na ang oras, at siya'y kanilang ipinako sa krus. At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO. At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa. At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail. At siya'y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo, Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus. Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya'y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako. At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam. At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias. At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y ibaba. At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga. At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba. At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios. At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao'y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome; Na, nang siya'y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya'y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem. At nang kinahapunan, sapagka't noo'y Paghahanda, sa makatuwid baga'y ang araw na nauuna sa sabbath, Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. At nanggilalas si Pilato kung siya'y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay. At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose. At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan. At tinitingnan ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya nalagay.

Marcos 15:1-47 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)