Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 20:1-47

Lucas 20:1-47 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nagpapahayag ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?” Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!” Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.” Nangaral muli siya sa mga tao at isinalaysay ang talinhagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Iniwan niya iyon sa mga katiwala at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa ubasan ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang kaparte. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang alipin at pinauwing walang dala. Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa yata'y ang minamahal kong anak ang papupuntahin ko. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak ng may-ari ng ubasan, nag-usap-usap sila at ang sabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Siya'y inilabas nga nila sa ubasan at pinatay. “Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. “Pupunta siya roon at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ipagkakatiwala niya sa iba ang ubasan.” Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong ipahintulot ng Diyos!” Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng talatang ito sa kasulatan, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan’? Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.” Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang pinapatamaan niya sa talinhaga, ngunit natakot sila sa mga tao. Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon, maisasakdal siya sa gobernador. Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakatatak dito?” “Sa Emperador po,” tugon nila. Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkagulat sa kanyang sagot. Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. Sabi nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?” Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y buháy ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya. Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga taong ang Cristo ay anak ni David? Si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga taong siya'y anak ni David?” Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong maparangalan sa mga liwasan. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.”

Lucas 20:1-47 Ang Salita ng Dios (ASND)

Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.” Pagkatapos noon, ikinuwento ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito: “May isang tao na nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukid. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan niya sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar, at nanatili roon nang matagal. Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan upang kunin ang parte niya. Pero binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinaalis na walang dala. Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero binugbog din nila at hiniya, at pinaalis na wala ring dala. Nagsugo ulit siya ng ikatlong alipin, pero sinaktan din nila ito at pinalayas. Nag-isip ang may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Alam ko na, papupuntahin ko sa kanila ang minamahal kong anak. Siguro naman ay igagalang nila siya.’ Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak niya, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ Kaya dinala nila ito sa labas ng ubasan at pinatay. “Ngayon, ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.” Nang marinig ito ng mga tao sinabi nila, “Huwag sanang ipahintulot ng Dios na mangyari ito!” Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan: ‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’ Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.” Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao. Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo. Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?” Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, “Patingin nga ng pera. Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila. May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya. Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. At kinalaunan, namatay din ang babae. Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?” Sumagot si Jesus, “Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Dios na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Dios dahil muli silang binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Dios nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay.” Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, “Guro, mahusay ang sagot ninyo.” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya. Ngayon, si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’ Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing lahi lang siya ni David?” Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

Lucas 20:1-47 Ang Biblia (TLAB)

At nangyari, sa isa sa mga araw, samantalang tinuturuan niya ang bayan sa templo, at ipinangangaral ang evangelio, na nagsilapit sa kaniya ang mga saserdote, at ang mga eskriba pati ng matatanda; At sila'y nangagsalita, na nangagsasabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito? At siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Tatanungin ko naman kayo ng isang tanong; at sabihin ninyo sa akin: Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao? At sila'y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, sapagka't sila'y nanganiniwala na si Juan ay propeta. At sila'y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula. At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito. At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon. At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala. At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala. At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas. At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila. Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin. At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari. Datapuwa't kaniyang tinitigan sila, at sinabi, Ano nga baga ito na nasusulat, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali. Ay siya ring ginawang pangulo sa panulok? Ang bawa't mahulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay kaniyang pangangalating gaya ng alabok. At pinagsisikapan siyang hulihin sa oras ding yaon ng mga eskriba at ng mga pangulong saserdote; at sila'y nangatatakot sa bayan: sapagka't nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. At siya'y inaabangan nila, at sila'y nangagsugo ng mga tiktik, na nangagpakunwaring mga matuwid, upang siya'y mahuli sa kaniyang salita, na siya'y maibigay sa pamiminuno at sa kapamahalaan ng gobernador. At kanilang tinanong siya, na sinasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios. Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi? Datapuwa't napagkilala niya ang kanilang lalang, at sinabi sa kanila, Pagpakitaan ninyo ako ng isang denario. Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar. At sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios. At sila'y hindi nakahuli sa kaniyang mga pananalita sa harap ng bayan: at sila'y nanganggilalas sa kaniyang sagot, at hindi nangagsiimik. At may lumapit sa kaniyang ilan sa mga Saduceo, na nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli; At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, isinulat sa amin ni Moises, na kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, na may asawa, at siya'y walang anak, ay kunin ng kaniyang kapatid ang asawa, at bigyang anak ang kaniyang kapatid. Mayroon ngang pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at namatay na walang anak; At ang pangalawa: At ang pangatlo'y nagasawa sa bao; at gayon din ang pito naman ay hindi nagiwan ng mga anak, at nangamatay. Pagkatapos ay namatay naman ang babae. Sa pagkabuhay na maguli nga, kanino sa kanila magiging asawa kaya ang babaing yaon? sapagka't siya'y naging asawa ng pito. At sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisipagasawa ang mga anak ng sanglibutang ito, at pinapagaasawa: Datapuwa't ang mga inaaring karapatdapat magkamit ng sanlibutang yaon, at ng pagkabuhay na maguli sa mga patay, ay hindi mangagaasawa, ni papagaasawahin: Sapagka't hindi na sila maaaring mangamatay pa: sapagka't kahalintulad na sila ng mga anghel; at sila'y mga anak ng Dios, palibhasa'y mga anak ng pagkabuhay na maguli. Datapuwa't tungkol sa pagbabangon ng mga patay, ay ipinakilala rin naman ni Moises sa Mababang punong kahoy, nang tinawag niya ang Panginoon na Dios ni Abraham, at Dios ni Isaac, at Dios ni Jacob. Siya nga'y hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: sapagka't nangabubuhay sa kaniya ang lahat. At pagsagot ng ilan sa mga eskriba, ay nangagsabi, Guro, mabuti ang pagkasabi mo. Sapagka't hindi na nga sila nangahas tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong. At kaniyang sinabi sa kanila, Paanong sinasabi nila na ang Cristo ay anak ni David? Sapagka't si David din ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa. Dahil dito tinatawag siyang Panginoon ni David, at paanong siya'y anak niya? At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na naririnig ng buong bayan, Mangagingat kayo sa mga eskriba na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at iniibig nila ang sila'y pagpugayan sa mga pamilihan, at ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong dako sa mga pigingan; Na sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing bao, at sa pagpakunwaring banal ay nanalangin ng mahaba: ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.

Lucas 20:1-47 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nagpapahayag ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?” Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!” Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.” Nangaral muli siya sa mga tao at isinalaysay ang talinhagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Iniwan niya iyon sa mga katiwala at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa ubasan ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang kaparte. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang alipin at pinauwing walang dala. Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa yata'y ang minamahal kong anak ang papupuntahin ko. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak ng may-ari ng ubasan, nag-usap-usap sila at ang sabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Siya'y inilabas nga nila sa ubasan at pinatay. “Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. “Pupunta siya roon at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ipagkakatiwala niya sa iba ang ubasan.” Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong ipahintulot ng Diyos!” Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng talatang ito sa kasulatan, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan’? Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.” Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang pinapatamaan niya sa talinhaga, ngunit natakot sila sa mga tao. Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon, maisasakdal siya sa gobernador. Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakatatak dito?” “Sa Emperador po,” tugon nila. Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkagulat sa kanyang sagot. Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. Sabi nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?” Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y buháy ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya. Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga taong ang Cristo ay anak ni David? Si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga taong siya'y anak ni David?” Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong maparangalan sa mga liwasan. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.”

Lucas 20:1-47 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)