Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 1:6-22

Job 1:6-22 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Dumating ang araw na ang mga anak ng Diyos ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas. Tinanong ni Yahweh si Satanas, “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?” “Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas. “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh. Sumagot si Satanas, “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.” Sinabi ni Yahweh kay Satanas, “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh. Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.” Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. Ang sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!” Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.

Job 1:6-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

Isang araw, nagtipon ang mga anghel sa presensya ng PANGINOON, at sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng PANGINOON kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.” Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa iyo dahil pinagpapala mo siya. Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain. Pero subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.” Sinabi ng PANGINOON kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, pero huwag mo siyang sasaktan.” Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng PANGINOON. Isang araw, habang nagkakasayahan sa handaan ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay, dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, “Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan, bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!” Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, “Tinamaan po ng apoy ng Dios ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!” Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!” Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid, bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!” Nang marinig iyon ni Job, tumayo siya at pinunit ang kanyang damit dahil sa pagdadalamhati. Pagkatapos, inahitan niya ang kanyang buhok sa ulo at nagpatirapa sa lupa para sumamba sa PANGINOON. Sinabi niya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang PANGINOON ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang PANGINOON din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng PANGINOON!” Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Dios.

Job 1:6-22 Ang Biblia (TLAB)

Isang araw nga nang ang mga anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila. At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon. At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan. Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Dios? Hindi mo ba kinulong siya, at ang kaniyang sangbahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawa't dako? iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pag-aari ay dumami sa lupain. Nguni't pagbuhatan mo siya ng iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakuwil ka niya ng mukhaan, At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nangasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay. Sa gayo'y lumabas si Satanas na mula sa harapan ng Panginoon. At nangyari isang araw, nang ang kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay. Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila: At dinaluhong ng mga Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang mga Caldeo ay nagtatlong pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay: At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila'y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Nang magkagayo'y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba; At sinabi niya, Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon. Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios.

Job 1:6-22 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Dumating ang araw na ang mga anak ng Diyos ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas. Tinanong ni Yahweh si Satanas, “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?” “Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas. “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh. Sumagot si Satanas, “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.” Sinabi ni Yahweh kay Satanas, “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh. Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.” Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. Ang sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!” Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.

Job 1:6-22 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

Isang araw nga nang ang mga anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila. At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon. At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan. Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Dios? Hindi mo ba kinulong siya, at ang kaniyang sangbahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawa't dako? iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pagaari ay dumami sa lupain. Nguni't pagbuhatan mo siya ng iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakuwil ka niya ng mukhaan, At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nangasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay. Sa gayo'y lumabas si Satanas na mula sa harapan ng Panginoon. At nangyari isang araw, nang ang kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay. Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila: At dinaluhong ng mga Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang mga Caldeo ay nagtatlong pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay: At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila'y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Nang magkagayo'y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba; At sinabi niya, Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon. Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios.