Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hukom 9:22-57

Mga Hukom 9:22-57 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel. Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec. Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon. Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon. Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec. Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor. Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.” Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit. Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo. Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod. Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.” Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem. Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan. Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.” Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.” Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.” Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?” Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec. Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod. Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik. Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec. Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito. Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran. Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa. Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit. Nalaman ito ni Abimelec, kaya't isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy. Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinunog. Namatay lahat ang nasa loob nitong may sanlibong katao, pati mga babae. Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon. May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore. Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore, ngunit siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo. Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay. Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan. Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid. Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Shekem, tulad ng sumpa sa kanila ni Jotam na anak ni Gideon.

Mga Hukom 9:22-57 Ang Salita ng Dios (ASND)

Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita, pinag-away ng Dios si Abimelec at ang mga tao ng Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec. Nangyari ito para pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa 70 anak ni Gideon. Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok para nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem. Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec. Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor. Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.” Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit. Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinapasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat ang mga tao na lumaban sa iyo. Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod. Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kung makikipaglaban sila Gaal, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila.” Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem. Nang makita nilang lumabas si Gaal at nakatayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila para lumusob. Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.” Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang na tao.” Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!” Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?” Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec. Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod. Pagkatapos noon, tumira si Abimelec sa Aruma. Hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito. Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem. Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob. Ang grupo ni Abimelec ay pumwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran. Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga naninirahan dito. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin. Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa templo ni El Berit na napapalibutan ng pader. Nang malaman ito ni Abimelec, dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan. Bawat isa sa kanila ay pumasan ng kahoy at iniligay sa paligid ng pader ng templo ng El Berit at sinindihan ito. Kaya namatay ang lahat ng tao na nakatira roon sa Tore ng Shekem. Mga 1,000 silang lahat pati mga babae. Pagkatapos, pumunta sina Abimelec sa Tebez at sinakop din nila ito. Pero may matatag doon na tore na kung saan tumatakas ang mga taga-Tebez. Isinasara nila ito at umaakyat sila sa bubungan ng tore. Nilusob ni Abimelec ang tore. At nang susunugin na sana niya ito, hinulugan siya ng babae ng gilingang bato at pumutok ang kanyang ulo. Agad niyang tinawag ang tagadala ng armas niya at sinabihan, “Patayin mo ako ng espada mo para hindi nila masabi na isang babae lang ang nakapatay sa akin.” Kaya pinatay siya ng kanyang utusan. Nang makita ng mga tauhan ni Abimelec na patay na siya, nagsiuwi sila. Sa ganitong paraan, pinagbayad ng Dios si Abimelec sa ginawa niyang masama sa kanyang ama dahil sa pagpatay niya sa 70 kapatid niya. Pinagbayad din ng Dios ang mga taga-Shekem sa lahat ng kanilang kasamaan. Kaya natupad ang sumpa ni Jotam na anak ni Gideon.

Mga Hukom 9:22-57 Ang Biblia (TLAB)

At si Abimelech ay naging prinsipe sa Israel na tatlong taon. At nagsugo ang Dios ng isang masamang espiritu kay Abimelech at sa mga lalake sa Sichem; at ang mga lalake sa Sichem ay naglilo kay Abimelech. Upang ang dahas na ginawa sa pitong pung anak ni Jerobaal ay dumating, at upang ang kanilang dugo ay malagpak kay Abimelech na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalake sa Sichem, na nagpalakas ng kaniyang mga kamay upang patayin ang kaniyang mga kapatid. At binakayan siya ng mga lalake sa Sichem sa mga taluktok ng mga bundukin, at kanilang pinagnakawan yaong lahat na dumaan sa daang yaon na malapit sa kanila; at naibalita kay Abimelech. At dumating si Gaal na anak ni Ebed na kasama ng kaniyang mga kapatid, at dumaan sa Sichem: at inilagak ng mga lalake sa Sichem ang kanilang tiwala sa kaniya. At sila'y lumabas sa bukid, at namitas sa kanilang mga ubasan, at pinisa, at nagpapista, at napasa bahay ng kanilang dios, at nagkainan at naginuman, at sinumpa si Abimelech. At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, Sino si Abimelech at sino si Sichem, upang, aming paglingkuran siya? hindi ba siya ang anak ni Jerobaal? at si Zebul ay kaniyang pinuno? Maglingkod kayo sa mga lalake ni Hamor na ama ni Sichem: nguni't bakit kami maglilingkod sa kaniya? At kahi manawari ang bayang ito'y mapasa ilalim ng aking kamay. Kung magkagayo'y aking hahalinhan si Abimelech. At kaniyang sinabi kay Abimelech, Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka. At nang marinig ni Zebul na puno ng bayan ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagalab ang kaniyang galit. At lihim na nagsugo siya ng mga sugo kay Abimelech, na nagsabi, Narito, si Gaal na anak ni Ebed at ang kaniyang mga kapatid ay naparoon sa Sichem; at, narito, kanilang pinilit ang bayan laban sa iyo. Ngayon nga'y bumangon ka sa gabi, ikaw at ang bayan na kasama mo, at bakayan mo sa bukid: At mangyayari, na sa kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay babangon kang maaga, at isasalakay mo ang bayan: at, narito, pagka siya at ang bayan na kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo nga sa kanila ang magalingin mo. At bumangon si Abimelech, at ang buong bayan na kasama niya, sa kinagabihan at sinalakay nila ang Sichem, na sila'y apat na pulutong. At lumabas si Gaal na anak ni Ebed, at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan; at si Abimelech ay bumangon sa pagbakay at ang bayan na kasama niya. At nang makita ni Gaal ang bayan, ay kaniyang sinabi kay Zebul, Narito, bumababa ang bayan mula sa taluktuk ng mga bundok. At sinabi ni Zebul sa kaniya, Iyong nakikita'y mga lilim ng mga bundukin, na parang mga lalake. At nagsalita uli si Gaal, at nagsabi, Tignan mo, bumababa ang bayan sa kalagitnaan ng lupain, at isang pulutung ay dumarating sa daan ng encina ng Meonenim. Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kaniya, Saan nandoon ngayon ang iyong bibig, na iyong ipinagsabi, Sino si Abimelech upang tayo'y maglingkod sa kaniya? hindi ba ito ang bayan na iyong niwalan ng kabuluhan? lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila. At lumabas si Gaal sa harap ng mga lalake sa Sichem, at lumaban kay Abimelech. At hinabol ni Abimelech siya, at siya'y tumakas sa harap niya, at nabuwal ang maraming sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan. At si Abimelech ay tumahan sa Aruma: at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kaniyang mga kapatid, upang sila'y huwag tumahan sa Sichem. At nangyari nang kinaumagahan, na ang baya'y lumabas sa parang; at kanilang isinaysay kay Abimelech. At kaniyang kinuha ang bayan, at binahagi niya ng tatlong pulutong, at bumakay sa parang; at siya'y tumingin, at narito, ang bayan ay lumabas sa kabayanan; at siya'y bumangon laban sa kanila, at sila'y sinaktan niya. At si Abimelech at ang mga pulutong na kasama niya ay nagsidaluhong at nagsitayo sa pasukan ng pintuan ng bayan: at ang dalawang pulutong ay nagsidaluhong doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y sinaktan nila. At lumaban si Abimelech sa bayan nang buong araw na yaon; at sinakop ang bayan, at pinatay ang bayan na nasa loob niyaon: at iginiba ang kabayanan at hinasikan ng asin. At nang mabalitaan yaon ng lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem, ay pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berith. At nasaysay kay Abimelech, na ang lahat ng mga tao sa moog ng Sichem ay nagpipisan. At umahon si Abimelech sa bundok ng Salmon, siya at ang buong bayan na kasama niya; at sumunggab si Abimelech ng isang palakol sa kaniyang kamay, at pumutol ng isang sanga sa mga kahoy at itinaas, at ipinasan sa kaniyang balikat: at sinabi niya sa bayan na kasama niya, Kung ano ang makita ninyo na gawin ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa. At ang buong bayan ay pumutol na gayon din ang bawa't lalake ng kanikaniyang sanga, at sumunod kay Abimelech, at ipinaglalagay sa kuta, at sinilaban ang kuta sa pamamagitan niyaon; na ano pa't ang lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem ay namatay rin, na may isang libong lalake at babae. Nang magkagayo'y naparoon si Abimelech sa Thebes, at humantong ng laban sa Thebes, at sinakop. Nguni't may isang matibay na moog sa loob ng bayan, at doo'y nagsitakas ang lahat na lalake at babae at ang lahat na nasa bayan, at sinarhan, at nagsisampa sa bubungan ng moog. At naparoon si Abimelech sa moog, at lumaban, at lumapit sa pintuan ng moog, upang sunugin ng apoy. At hinagis ng isang babae, ng isang pangibabaw na bato ng gilingan ang ulo ni Abimelech at nabasag ang kaniyang bungo. Nang magkagayo'y tinawag niyang madali ang bataang kaniyang tagadala ng almas, at sinabi niya sa kaniya, Kunin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, upang huwag sabihin tungkol sa akin ng mga tao, Isang babae ang pumatay sa kaniya. At pinalagpasan siya ng kaniyang bataan, at siya'y namatay. At nang makita ng Israel na namatay si Abimelech, ay yumaon ang bawa't lalake sa kanikaniyang dako. Ganito pinaghigantihan ng Dios ang kasamaan ni Abimelech, na kaniyang ginawa sa kaniyang ama, sa pagpatay ng kaniyang pitong pung kapatid: At ang buong kasamaan ng mga lalake sa Sichem ay pinaghigantihan ng Dios sa kanilang mga ulo: at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotham na anak ni Jerobaal.

Mga Hukom 9:22-57 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel. Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec. Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon. Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon. Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec. Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor. Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.” Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit. Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo. Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod. Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.” Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem. Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan. Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.” Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.” Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.” Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?” Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec. Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod. Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik. Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec. Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito. Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran. Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa. Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit. Nalaman ito ni Abimelec, kaya't isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy. Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinunog. Namatay lahat ang nasa loob nitong may sanlibong katao, pati mga babae. Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon. May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore. Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore, ngunit siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo. Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay. Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan. Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid. Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Shekem, tulad ng sumpa sa kanila ni Jotam na anak ni Gideon.

Mga Hukom 9:22-57 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)