Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 22:1-18

Genesis 22:1-18 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Pagkalipas ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos, “Abraham!” “Narito po ako,” tugon naman niya. Sinabi sa kanya, “Isama mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.” Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. Nang ikatlong araw ng paglalakbay, natanaw na nila ang dakong kanilang pupuntahan. Kaya't sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo rito ang asno at kami na lamang ng bata ang aakyat sa bundok. Sasamba kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.” Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong. Dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!” “Ano iyon, anak?” tugon ni Abraham. “Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang tupang ihahandog?” tanong ni Isaac. Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon.” Kaya't nagpatuloy sila sa paglakad. Pagsapit nila sa lugar na itinuro ng Diyos, gumawa ng altar si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, “Abraham, Abraham!” “Narito po ako,” sagot ni Abraham. Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.” Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.” Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ni Yahweh, “Ako'y nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan—Yahweh. Sapagkat hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos.”

Genesis 22:1-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

Dumating ang panahon na sinubukan ng Dios si Abraham. Tinawag niya si Abraham, at sumagot si Abraham sa kanya. Pagkatapos, sinabi niya, “Dalhin mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at pumunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo at ialay mo siya sa akin bilang handog na sinusunog.” Kinabukasan, maagang nagsibak si Abraham ng mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at isinakay niya ito sa asno. Lumakad siya kasama si Isaac at ang dalawa niyang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Dios. Nang ikatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakita ni Abraham sa di-kalayuan ang lugar na sinabi sa kanya ng Dios. Kaya sinabi ni Abraham sa dalawa niyang alipin, “Dito muna kayo at bantayan ninyo ang asno, dahil aakyat kami roon para sumamba sa Dios. Babalik din kami agad.” Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at siya ang nagdala ng itak at sulo. Habang lumalakad sila, sinabi ni Isaac, “Ama!” Sumagot si Abraham, “Bakit anak?” Nagtanong si Isaac, “May dala po tayong sulo at panggatong pero nasaan po ang tupa na ihahandog?” Sumagot si Abraham, “Anak, ang Dios mismo ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog.” At nagpatuloy sila sa paglalakad. Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Dios, gumawa si Abraham ng altar na bato, at inihanda niya ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos, iginapos niya si Isaac at inihiga sa ibabaw ng altar. Kinuha niya ang itak. At nang papatayin na sana niya si Isaac, tinawag siya ng anghel ng PANGINOON mula sa langit, “Abraham! Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito po ako.” Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang anak mo! Ngayon, napatunayan ko na may takot ka sa Dios dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak.” Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaking tupa na ang sungay ay nasabit sa mga sanga ng kahoy, at hindi na ito makaalis. Kaya kinuha ito ni Abraham at inihandog bilang handog na sinusunog kapalit ng kanyang anak. Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na “Naglalaan ang PANGINOON.” Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Sa bundok ng PANGINOON may inilalaan siya.” Muling tinawag ng anghel ng PANGINOON si Abraham mula sa langit. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng PANGINOON: Sumusumpa ako sa sarili ko na pagpapalain kita nang lubos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak. Bibigyan kita ng mga lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Sasakupin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong mga lahi, pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa mundo, dahil sumunod ka sa akin.”

Genesis 22:1-18 Ang Biblia (TLAB)

At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako. At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo. At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios. Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo. At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo. At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila'y kapuwa yumaong magkasama. At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni't saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin? At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin, anak ko: ano pa't sila'y kapuwa yumaong magkasama. At sila'y dumating sa dakong sa kaniya'y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak. At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako. At sa kaniya'y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak. At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak. At pinanganlan ni Abraham ang dakong yaon, ng Jehova-jireh: gaya ng kasabihan hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng Panginoon ay mahahanda. At tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham na ikalawa mula sa langit. At sinabi, Sa aking sarili ay sumumpa ako, anang Panginoon, sapagka't ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak; Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka't sinunod mo ang aking tinig.

Genesis 22:1-18 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Pagkalipas ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos, “Abraham!” “Narito po ako,” tugon naman niya. Sinabi sa kanya, “Isama mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.” Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. Nang ikatlong araw ng paglalakbay, natanaw na nila ang dakong kanilang pupuntahan. Kaya't sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo rito ang asno at kami na lamang ng bata ang aakyat sa bundok. Sasamba kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.” Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong. Dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!” “Ano iyon, anak?” tugon ni Abraham. “Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang tupang ihahandog?” tanong ni Isaac. Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon.” Kaya't nagpatuloy sila sa paglakad. Pagsapit nila sa lugar na itinuro ng Diyos, gumawa ng altar si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, “Abraham, Abraham!” “Narito po ako,” sagot ni Abraham. Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.” Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.” Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ni Yahweh, “Ako'y nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan—Yahweh. Sapagkat hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos.”

Genesis 22:1-18 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya'y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako. At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo. At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios. Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo. At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo. At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila'y kapuwa yumaong magkasama. At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni't saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin? At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinaka handog na susunugin, anak ko: ano pa't sila'y kapuwa yumaong magkasama. At sila'y dumating sa dakong sa kaniya'y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak. At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako. At sa kaniya'y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka't talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak. At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak. At pinanganlan ni Abraham ang dakong yaon, ng Jehova-jireh: gaya ng kasabihan hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng Panginoon ay mahahanda. At tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham na ikalawa mula sa langit. At sinabi, Sa aking sarili ay sumumpa ako, anang Panginoon, sapagka't ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak; Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka't sinunod mo ang aking tinig.