Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 21:1-21

Genesis 21:1-21 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. Ayon sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. Ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.” Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham. Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. Nang makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.” Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata. Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.

Genesis 21:1-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

Ngayon, inalala ng PANGINOON si Sara ayon sa kanyang ipinangako. Nagbuntis si Sara at nanganak ng lalaki kahit matanda na si Abraham. Isinilang ang sanggol sa panahon na sinabi noon ng Dios. Pinangalanan ni Abraham ang sanggol na Isaac. Nang walong araw na ang sanggol, tinuli siya ni Abraham ayon sa iniutos sa kanya ng Dios. Nang ipinanganak si Isaac, 100 taong gulang na si Abraham. Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin. Sino kaya ang makapagsasabi kay Abraham na makakapagpasuso pa ako ng sanggol? Pero nagkaanak pa ako kahit matanda na siya.” Lumaki si Isaac, at nang araw na naawat na siya sa pagsuso sa kanyang ina, nagdaos si Abraham ng isang malaking handaan. Isang araw, nakita ni Sara na tinutukso ni Ishmael si Isaac. (Si Ishmael ay anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio.) Kaya sinabi ni Sara kay Abraham, “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac.” Labis itong ikinalungkot ni Abraham dahil anak din niya si Ishmael. Pero sinabi ng Dios sa kanya, “Hindi mo dapat ikalungkot ang tungkol kay Ishmael at kay Hagar. Sundin mo ang sinabi ni Sara, dahil kay Isaac magmumula ang mga lahi na aking ipinangako. At tungkol naman kay Ishmael, bibigyan ko rin siya ng maraming lahi at magiging isang bansa rin sila, dahil anak mo rin siya.” Kinabukasan, maagang kumuha si Abraham ng pagkain at tubig na nakalagay sa sisidlang-balat, at inilagay niya ito sa balikat ni Hagar. Pagkatapos, umalis si Hagar kasama ang kanyang anak. Naglakbay sila sa ilang ng Beersheba na hindi alam kung saan sila pupunta. Nang naubos na ang kanilang tubig, iniwan niya ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga mababang punongkahoy at lumakad siya na may layong mga 100 metro mula sa kanyang anak. Doon siya umupo at umiiyak na nagsabi sa kanyang sarili, “Hindi ko matitiis na pagmasdan ang kamatayan ng anak ko.” Ngayon, narinig ng Dios ang iyak ng bata. Kaya sinabi ng anghel ng Dios kay Hagar mula roon sa langit, “Ano ang gumugulo sa iyo Hagar? Huwag kang matakot; narinig ng Dios ang iyak ng anak mo. Tumayo ka at ibangon mo ang bata, dahil gagawin kong malaking bansa ang kanyang mga lahi.” Pagkatapos, may ipinakita ang Dios sa kanya na isang balon. Pumunta siya roon at nilagyan ng tubig ang sisidlan niya. Pagkatapos, pinainom niya ang kanyang anak. Hindi pinabayaan ng Dios si Ishmael hanggang lumaki ito. Doon siya tumira sa ilang ng Paran at naging isa siyang mahusay na mamamana. Dumating ang panahon na pinapag-asawa siya ng kanyang ina sa isang Egipcio.

Genesis 21:1-21 Ang Biblia (TLAB)

At dumalaw ang Panginoon kay Sara, ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kaniyang sinalita. At si Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalake kay Abraham sa kaniyang katandaan, sa tadhanang panahong sinabi ng Dios sa kaniya. At tinawag na Isaac ni Abraham ang ngalan ng kaniyang anak na ipinanganak sa kaniya, na siyang ipinanganak ni Sara. At tinuli ni Abraham si Isaac ng magkaroon ng walong araw gaya ng iniutos ng Dios sa kaniya. At si Abraham ay may isang daang taon, nang sa kaniya'y ipanganak si Isaac na kaniyang anak. At sinabi ni Sara, Pinatawa ako ng Dios, sinomang makarinig ay makikitawa. At sinabi niya, Sinong nakapagsabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng anak? sapagka't ako'y nagkaanak sa kaniya ng isang lalake sa kaniyang katandaan. At lumaki ang sanggol, at inihiwalay sa suso; at nagpiging ng malaki si Abraham ng araw na ihiwalay sa suso si Isaac. At nakita ni Sara ang anak ni Agar na taga Egipto, na ito'y nagkaanak kay Abraham, na tumutuya sa kaniya. Kaya't sinabi niya kay Abraham, Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak, sa makatuwid baga'y ni Isaac. At ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa paningin ni Abraham dahil sa kaniyang anak. At sinabi ng Dios kay Abraham, Huwag mong mabigatin ito sa iyong paningin dahil sa iyong alipin; sa lahat na sabihin sa iyo ni Sara, ay makinig ka sa kaniyang tinig, sapagka't kay Isaac tatawagin ang iyong lahi. At ang anak din naman ng alipin ay gagawin kong isang bansa, sapagka't siya'y anak mo. At nagbangong maaga sa kinaumagahan si Abraham, at kumuha ng tinapay at ng isang bangang balat ng tubig, at ibinigay kay Agar, na ipinatong sa kaniyang balikat, at ang bata at siya ay pinapagpaalam, at siya'y nagpaalam at naggala sa ilang ng Beerseba. At naubos ang tubig sa bangang balat, at kaniyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang punong kahoy. At yumaon at naupo sa tapat niya, na ang layo ay isang hilagpos ng pana; sapagka't sinabi niya, Huwag kong makita ang kamatayan ng bata. At naupo sa tapat, at naghihiyaw at umiyak. At narinig ng Dios ang tinig ng bata; at tinawag ng anghel ng Dios si Agar, mula sa langit, at sa kaniya'y sinabi, Naano ka Agar? Huwag kang matakot; sapagka't narinig ng Dios ang tinig ng bata sa kinalalagyan. Magtindig ka, iyong itayo ang bata, at alalayan mo siya ng iyong kamay; sapagka't siya'y gagawin kong isang bansang malaki. At idinilat ng Dios ang kaniyang mga mata, at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig: at naparoon at pinuno ng tubig ang bangang balat, at pinainom ang bata. At ang Dios ay sumabata, at siya'y lumaki; at tumahan sa ilang at naging mamamana. At nanahan siya sa ilang ng Paran: at ikinuha siya ng kaniyang ina ng asawa sa lupain ng Egipto.

Genesis 21:1-21 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. Ayon sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. Ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.” Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham. Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. Nang makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.” Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata. Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.

Genesis 21:1-21 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

At dumalaw ang Panginoon kay Sara, ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kaniyang sinalita. At si Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalake kay Abraham sa kaniyang katandaan, sa tadhanang panahong sinabi ng Dios sa kaniya. At tinawag na Isaac ni Abraham ang ngalan ng kaniyang anak na ipinanganak sa kaniya, na siyang ipinanganak ni Sara. At tinuli ni Abraham si Isaac ng magkaroon ng walong araw gaya ng iniutos ng Dios sa kaniya. At si Abraham ay may isang daang taon, nang sa kaniya'y ipanganak si Isaac na kaniyang anak. At sinabi ni Sara, Pinatawa ako ng Dios, sinomang makarinig ay makikitawa. At sinabi niya, Sinong nakapagsabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng anak? sapagka't ako'y nagkaanak sa kaniya ng isang lalake sa kaniyang katandaan. At lumaki ang sanggol, at inihiwalay sa suso; at nagpiging ng malaki si Abraham ng araw na ihiwalay sa suso si Isaac. At nakita ni Sara ang anak ni Agar na taga Egipto, na ito'y nagkaanak kay Abraham, na tumutuya sa kaniya. Kaya't sinabi niya kay Abraham, Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak, sa makatuwid baga'y ni Isaac. At ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa paningin ni Abraham dahil sa kaniyang anak. At sinabi ng Dios kay Abraham, Huwag mong mabigatin ito sa iyong paningin dahil sa iyong alipin; sa lahat na sabihin sa iyo ni Sara, ay makinig ka sa kaniyang tinig, sapagka't kay Isaac tatawagin ang iyong lahi. At ang anak din naman ng alipin ay gagawin kong isang bansa, sapagka't siya'y anak mo. At nagbangong maaga sa kinaumagahan si Abraham, at kumuha ng tinapay at ng isang bangang balat ng tubig, at ibinigay kay Agar, na ipinatong sa kaniyang balikat, at ang bata at siya ay pinapagpaalam, at siya'y nagpaalam at naggala sa ilang ng Beer-seba. At naubos ang tubig sa bangang balat, at kaniyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang punong kahoy. At yumaon at naupo sa tapat niya, na ang layo ay isang hilagpos ng pana; sapagka't sinabi niya, Huwag kong makita ang kamatayan ng bata. At naupo sa tapat, at naghihiyaw at umiyak. At narinig ng Dios ang tinig ng bata; at tinawag ng anghel ng Dios si Agar, mula sa langit, at sa kaniya'y sinabi, Naano ka Agar? Huwag kang matakot; sapagka't narinig ng Dios ang tinig ng bata sa kinalalagyan. Magtindig ka, iyong itayo ang bata, at alalayan mo siya ng iyong kamay; sapagka't siya'y gagawin kong isang bansang malaki. At idinilat ng Dios ang kaniyang mga mata, at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig; at naparoon at pinuno ng tubig ang bangang balat, at pinainom ang bata. At ang Dios ay sumabata, at siya'y lumaki; at tumahan sa ilang at naging mamamana. At nanahan siya sa ilang ng Paran: at ikinuha siya ng kaniyang ina ng asawa sa lupain ng Egipto.