Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 28:1-31

Mga Gawa 28:1-31 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. Napakaganda ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa sigá, mula roo'y lumabas ang isang ahas. Tinuklaw nito at pinuluputan ang kamay ni Pablo. Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Siguro'y mamamatay-tao iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng langit na siya'y mabuhay pa.” Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. Hinihintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng akala. “Siya'y isang diyos,” sabi nila. Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disintirya, kaya't ito'y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila'y pinagaling din ni Pablo. Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng lahat ng kailangan sa paglalakbay. Tatlong buwan ang nagdaan bago kami nakaalis doon, sakay ng isang barkong nagpalipas din ng taglamig sa pulo. “Kambal ng Diyos” ang pangalan ng barkong ito na nagmula sa Alejandria. Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon nang tatlong araw. Nagpatuloy kami ng paglalakbay at dumating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hangin mula sa timog, at nakarating kami sa Puteoli sa loob lamang ng dalawang araw. May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay papuntang Roma. Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya't pumaroon sila sa Foro de Apio at sa Tres Tabernas upang kami'y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas naman ang kanyang loob. Pagdating namin sa Roma, si Pablo'y pinahintulutang umupa ng sariling tirahan, kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya. Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lunsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako'y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at idinemanda sa kinatawan ng pamahalaang Romano. Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan. Ngunit tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. Nakagapos ako sa kadenang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.” Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo. Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.” Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang papaniwalain sila kay Jesus. May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias, ‘Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila, Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa, at tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita. Sapagkat napakatigas ng mga puso ng taong ito, mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Sapagkat ayaw nilang makakita ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tainga, at makaunawa ang kanilang mga pag-iisip. Kung ganoon sana'y nagbalik-loob kayo sa akin, at kayo naman ay aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’” Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” Humigit-kumulang sa dalawang taóng nanirahan si Pablo sa Roma, sa bahay na kanyang inuupahan, at tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. Siya'y buong tapang at malayang nangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Gawa 28:1-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.” Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!” Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila. Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay. Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios. Mula sa Malta, pumunta kami sa Syracuse at tatlong araw kami roon. Mula roon, bumiyahe kami hanggang sa nakarating kami sa Regium. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. Doon may nakita kaming mga kapatid sa Panginoon. Hiniling nila sa amin na manatili roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma. Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apius at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Dios at lumakas ang kanyang loob. Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya. Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio sa Roma. Nang nagkakatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na wala akong nagawang kasalanan laban sa ating bayan o sa mga kaugaliang mula sa ating mga ninuno, dinakip nila ako sa Jerusalem at inakusahan sa gobyerno ng Roma. Nilitis ako ng mga Romanong opisyal, at nang malaman nila na wala akong nagawang masama para hatulan ng kamatayan, palalayain na sana nila ako. Pero tinutulan ng mga Judio, kaya napilitan akong lumapit sa Emperador, kahit wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. Ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makita kayo, para makapagsalita ako sa inyo, dahil nakakadena ako ngayon dahil naniniwala ako sa inaasahan ng mga Judio.” Sinagot nila si Pablo, “Wala kaming natanggap na sulat mula sa Judea tungkol sa iyo. Ang mga kapwa natin Judio na dumating dito galing sa Jerusalem ay wala ring ibinalita o sinabi laban sa iyo. Pero gusto rin naming marinig kung ano ang iyong sasabihin, dahil alam namin na kahit saang lugar, minamasama ng mga tao ang sekta mong iyan.” Kaya nagtakda sila ng araw para magtipong muli. Pagdating ng araw na iyon, lalong dumami ang pumunta sa bahay na tinutuluyan ni Pablo. Pinatunayan niya sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios, at ipinaliwanag niya ang tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng mga Kautusan ni Moises at ng mga isinulat ng mga propeta para sumampalataya sila sa kanya. Ang iba ay naniwala sa kanyang sinabi, pero ang iba naman ay hindi. At dahil sa hindi sila magkasundo, nagsiuwian sila. Pero bago sila umalis, sinabi ni Pablo sa kanila, “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. Sapagkat sinabi niya, ‘Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa, at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita, dahil matigas ang puso ng mga taong ito. Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Dahil baka makakita sila at makarinig, at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ ” Sinabi pa ni Pablo, “Gusto ko ring sabihin sa inyo na ang salita ng Dios tungkol sa kaligtasan ay ibinalita na sa mga hindi Judio, at sila ay talagang nakikinig.” [Pagkasabi nito ni Pablo, nag-uwian ang mga Judio na mainit na nagtatalo.] Sa loob ng dalawang taon, nanatili si Pablo sa bahay na kanyang inuupahan. At tinanggap niya ang lahat ng dumadalaw sa kanya. Tinuruan niya sila tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi siya natakot sa kanyang pagtuturo at wala namang pumigil sa kanya.

Mga Gawa 28:1-31 Ang Biblia (TLAB)

At nang kami'y mangakatakas na, nang magkagayo'y napagtalastas namin na ang pulo'y tinatawag na Melita. At pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kagandahang-loob ng mga barbaro: sapagka't sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa ulan niyaon, at dahil sa ginaw. Datapuwa't pagkapagtipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, ay lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kaniyang kamay. At nang makita ng mga barbaro ang makamandag na hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, ay nagsabi ang isa sa iba, Walang salang mamamatay-tao ang taong ito, na, bagama't siya'y nakatakas sa dagat, gayon ma'y hindi siya pinabayaang mabuhay ng Katarungan. Gayon ma'y ipinagpag niya ang hayop sa apoy, at siya'y hindi nasaktan. Nguni't kanilang hinihintay na siya'y mamaga, o biglang mabuwal na patay: datapuwa't nang maluwat na silang makapaghintay, at makitang walang nangyari sa kaniyang anoman, ay nangagbago sila ng akala, at nangagsabing siya'y isang dios. At sa mga kalapit ng dakong yao'y may mga lupain ang pangulo sa pulong yaon, na nagngangalang Publio; na tumanggap sa amin, at nagkupkop sa aming tatlong araw na may kagandahang-loob. At nangyari, nararatay ang ama ni Publio na may-sakit na lagnat at iti: at pinasok siya ni Pablo, at nanalangin, at nang maipatong sa kaniya ang kaniyang mga kamay ay siya'y pinagaling. At nang magawa na ito, ay nagsiparoon naman ang mga ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling: Kami nama'y kanilang pinarangalan ng maraming pagpaparangal; at nang magsilayag kami, ay kanilang inilulan sa daong ang mga bagay na kinakailangan namin. At nang makaraan ang tatlong buwan ay nagsilayag kami sa isang daong Alejandria na tumigil ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal. At nang dumaong kami sa Siracusa, ay nagsitigil kami roong tatlong araw. At mula doo'y nagsiligid kami, at nagsirating sa Regio: at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang timugan, at nang ikalawang araw ay nagsirating kami sa Puteoli; Na doo'y nakasumpong kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapang matira sa kanilang pitong araw: at sa gayo'y nagsirating kami sa Roma. At buhat doo'y pagkabalita ng mga kapatid, ay sinalubong kami sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan; na nang sila'y makita ni Pablo, ay nagpasalamat sa Dios, at lumakas ang loob. At nang mangakapasok kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang mamahay na magisa na kasama ng kawal na sa kaniya'y nagbabantay. At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw ay tinipon niya yaong mga pangulo sa mga Judio: at nang sila'y mangagkatipon na, ay sinabi niya sa kanila, Ako, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anoman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga magulang, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga Roma: Na, nang ako'y kanilang masulit na, ay ibig sana nila akong palayain, sapagka't wala sa aking anomang kadahilanang marapat sa kamatayan. Datapuwa't nang magsalita laban dito ang mga Judio, ay napilitan akong maghabol hanggang kay Cesar; hindi dahil sa mayroon akong anomang sukat na maisakdal laban sa aking bansa. Sanhi sa dahilang ito tinawag ko kayo upang makipagkita at makipagusap sa akin: sapagka't dahil sa pagasa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito. At sinabi nila sa kaniya, Kami'y hindi nagsitanggap ng mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni naparito man ang sinomang kapatid na magbalita o magsalita ng anomang masama tungkol sa iyo. Datapuwa't ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong iniisip: sapagka't tungkol sa sektang ito'y talastas naming sa lahat ng mga dako ay laban dito ang mga salitaan. At nang mataningan na nila siya ng isang araw, ay nagsiparoon ang lubhang marami sa kaniyang tinutuluyan; at sa kanila'y kaniyang ipinaliwanag ang bagay, na sinasaksihan ang kaharian ng Dios, at sila'y hinihikayat tungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at gayon din sa pamamagitan ng mga propeta, buhat sa umaga hanggang sa gabi. At ang mga iba'y nagsipaniwala sa mga bagay na sinabi, at ang mga iba'y hindi nagsipaniwala. At nang sila'y hindi mangagkaisa, ay nangagsialis pagkasabi ni Pablo ng isang salita, Mabuti ang pagkasalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng propeta Isaias sa inyong mga magulang, Na sinasabi, Pumaroon ka sa bayang ito, at sabihin mo, Sa pakikinig ay inyong mapapakinggan, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas: Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na makarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik-loob, At sila'y aking pagalingin. Maging hayag nawa sa inyo, na ang kaligtasang ito ng Dios ay ipinadala sa mga Gentil: sila'y makikinig naman. At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nangagtatalong mainam. At tumahan si Pablo na dalawang taong ganap sa kaniyang tahanang inuupahan, at tinatanggap ang lahat ng sa kaniya'y nagsisipagsadya, Na ipinangangaral ang kaharian ng Dios, at itinuturo ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong katapangan, wala sinomang nagbabawal sa kaniya.

Mga Gawa 28:1-31 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. Napakaganda ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa sigá, mula roo'y lumabas ang isang ahas. Tinuklaw nito at pinuluputan ang kamay ni Pablo. Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Siguro'y mamamatay-tao iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng langit na siya'y mabuhay pa.” Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. Hinihintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng akala. “Siya'y isang diyos,” sabi nila. Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disintirya, kaya't ito'y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila'y pinagaling din ni Pablo. Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng lahat ng kailangan sa paglalakbay. Tatlong buwan ang nagdaan bago kami nakaalis doon, sakay ng isang barkong nagpalipas din ng taglamig sa pulo. “Kambal ng Diyos” ang pangalan ng barkong ito na nagmula sa Alejandria. Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon nang tatlong araw. Nagpatuloy kami ng paglalakbay at dumating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hangin mula sa timog, at nakarating kami sa Puteoli sa loob lamang ng dalawang araw. May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay papuntang Roma. Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya't pumaroon sila sa Foro de Apio at sa Tres Tabernas upang kami'y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas naman ang kanyang loob. Pagdating namin sa Roma, si Pablo'y pinahintulutang umupa ng sariling tirahan, kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya. Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lunsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako'y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at idinemanda sa kinatawan ng pamahalaang Romano. Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan. Ngunit tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. Nakagapos ako sa kadenang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.” Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo. Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.” Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang papaniwalain sila kay Jesus. May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias, ‘Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila, Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa, at tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita. Sapagkat napakatigas ng mga puso ng taong ito, mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Sapagkat ayaw nilang makakita ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tainga, at makaunawa ang kanilang mga pag-iisip. Kung ganoon sana'y nagbalik-loob kayo sa akin, at kayo naman ay aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’” Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” Humigit-kumulang sa dalawang taóng nanirahan si Pablo sa Roma, sa bahay na kanyang inuupahan, at tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. Siya'y buong tapang at malayang nangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya