Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 15:1-35

Mga Gawa 15:1-35 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

May dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa pinuno ng iglesya. Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.” Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap din niyang tulad natin nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo. Iisa ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat sila'y nanalig kay Jesu-Cristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus; gayundin naman sila.” Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya. Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat, ‘Pagkatapos nito ay babalik ako, at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David. Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho, upang hanapin at sambahin ng lahat ng mga tao ang Panginoon; ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin. Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’ “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating gawing mahirap para sa mga Hentil ang paglapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila at sabihang huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, huwag kakain ng hayop na binigti, at huwag kakain ng dugo. Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.” Kaya't minabuti ng mga apostol, ng mga pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman: “Kaming mga apostol at pinuno ng iglesya ay bumabati sa mga mananampalatayang Hentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inuutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na talagang kailangan. Huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan at mapapabuti kayo. Paalam.” At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa kanilang narinig. Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpalakas ng kanilang loob at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. Nanatili naman sina Pablo at Bernabe sa Antioquia; at kasama ng marami pang iba, sila'y nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.

Mga Gawa 15:1-35 Ang Salita ng Dios (ASND)

May mga taong galing sa Judea na pumunta sa Antioc at nagturo sa mga kapatid doon na silang mga hindi Judio ay hindi maliligtas kung hindi sila magpapatuli ayon sa kaugaliang itinuro ni Moises. Hindi ito sinang-ayunan nina Pablo at Bernabe, at naging mainit ang pagtatalo nila tungkol dito. Kaya nagkaisa ang mga mananampalataya roon na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pang mga mananampalataya sa Antioc, para makipagkita sa mga apostol at sa mga namumuno sa iglesya tungkol sa bagay na ito. Kaya pinapunta ng iglesya sina Pablo. At nang dumaan sila sa Fenicia at sa Samaria, ibinalita nila sa mga kapatid na may mga hindi Judio na sumampalataya kay Cristo. Nang marinig nila ito, tuwang-tuwa sila. Pagdating nina Pablo sa Jerusalem tinanggap sila ng iglesya, ng mga apostol, at ng mga namumuno sa iglesya. Ibinalita nila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. Pero tumayo ang ilang mananampalatayang miyembro ng grupo ng mga Pariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga hindi Judio at utusang sumunod sa Kautusan ni Moises.” Kaya nagpulong ang mga apostol at ang mga namumuno sa iglesya para pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, alam ninyo na pinili ako ng Dios noong una mula sa inyo para ituro ang Magandang Balita sa mga hindi Judio, nang sa gayoʼy makarinig din sila at sumampalataya. Alam ng Dios ang nilalaman ng puso ng bawat tao. At ipinakita niya na tinatanggap din niya ang mga hindi Judio, dahil binigyan din sila ng Banal na Espiritu katulad ng ginawa niya sa atin noon. Sa paningin ng Dios, tayong mga Judio at silang mga hindi Judio ay pare-pareho lang. Dahil nilinis din niya ang kanilang puso nang sumampalataya sila. Ngayon, bakit nʼyo sinusubukan ang Dios? Bakit nʼyo pinipilit ang mga hindi Judiong tagasunod ni Jesus na sumunod sa mga kautusan na kahit ang ating mga ninuno at tayo mismo ay hindi makasunod? Naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, at ganito rin naman sa mga hindi Judio.” Nang marinig nila iyon, tumahimik silang lahat. At pinakinggan nila ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan nila. Pagkatapos nilang magsalita, sinabi ni Santiago, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. Ikinuwento sa atin ni Simon Pedro ang unang pagtawag ng Dios sa mga hindi Judio para may mga tao ring mula sa kanila na maging kanya. Itoʼy ayon din sa mga isinulat ng mga propeta noon, dahil sinasabi sa Kasulatan, ‘Pagkatapos nito, babalik ako, at itatayo kong muli ang kaharian ni David na bumagsak. Ibabangon ko itong muli mula sa pagkaguho, para hanapin ako ng ibang tao – ang lahat ng hindi Judio na aking tinawag na maging akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at matagal ko na itong ipinahayag.’ ” Sinabi pa ni Santiago, “Kaya kung sa akin lang, huwag na nating pahirapan ang mga hindi Judio na lumalapit sa Dios. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan, dahil itoʼy itinuturing nating marumi. Iwasan nila ang sekswal na imoralidad. At huwag kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. Ito ang mga utos ni Moises na dapat nilang sundin para hindi mandiri ang mga Judio sa kanila, dahil mula pa noon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na ng mga Judio sa kanilang sambahan tuwing Araw ng Pamamahinga. At itinuturo nila ito sa bawat bayan.” Nagkasundo ang mga apostol, ang mga namumuno sa iglesya at ang lahat ng mga mananampalataya na pipili sila ng mga lalaki mula sa kanilang grupo na ipapadala sa Antioc, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang napili nilaʼy si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas. Ang mga taong ito ay iginagalang ng mga mananampalataya, at sila ang magdadala ng sulat na ito: “Mula sa mga apostol at mga namumuno sa iglesya. “Mahal naming mga kapatid na hindi Judio riyan sa Antioc, Syria at Cilicia: “Nabalitaan namin na may mga taong mula rito sa amin na pumunta riyan at nilito ang inyong kaisipan dahil sa kanilang itinuro. Hindi namin sila inutusan na pumunta riyan at magturo ng ganoon. Kaya nang marinig namin ito, napagkaisahan naming pumili ng mga tao na ipapadala namin sa inyo para sabihin ang mga bagay na aming napagkasunduan. Kasama nila sina Bernabe at Pablo na minamahal nating mga kapatid. Sina Bernabe at Pablo ay naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Sasabihin din nina Judas at Silas na aming ipinadala sa inyo ang tungkol sa mga nilalaman ng sulat na ito. Nagkasundo kami ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu na huwag nang dagdagan pa ang mga dapat ninyong sundin maliban sa mga ito: Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan; huwag kayong kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. At iwasan ninyo ang sekswal na imoralidad. Mabuting iwasan ninyo ang mga bagay na ito. Hanggang dito na lang.” At umalis nga ang mga taong ipinadala nila. Pagdating nila sa Antioc, tinipon nila ang lahat ng mga mananampalataya at ibinigay nila agad ang sulat. Tuwang-tuwa sila nang mabasa ang nilalaman ng sulat na nakapagpasigla sa kanila. Sina Judas at Silas ay mga propeta rin, at marami ang kanilang itinuro sa mga kapatid para palakasin ang kanilang pananampalataya. Pagkatapos ng ilang araw na pananatili roon, bumalik sila sa Jerusalem, sa mga nagpadala sa kanila. Pero bago sila umalis, ipinanalangin muna sila ng mga kapatid na maging maayos ang kanilang paglalakbay. [Pero nagpasya si Silas na magpaiwan doon.] Nanatili sina Pablo at Bernabe ng ilang araw sa Antioc. Marami silang kasamang nagtuturo at nangangaral ng salita ng Panginoon.

Mga Gawa 15:1-35 Ang Biblia (TLAB)

At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas. At nang magkaroon si Pablo at si Bernabe ng di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasiya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, ay magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito. Sila nga, palibhasa'y inihatid ng iglesia sa kanilang paglalakbay, ay tinahak ang Fenicia at Samaria, na isinasaysay ang pagbabalik-loob ng mga Gentil: at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. At nang sila'y magsidating sa Jerusalem, ay tinanggap sila ng iglesia at ng mga apostol at ng mga matanda, at isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa sekta ng mga Fariseong nagsisampalataya na nangagsasabi, Kinakailangang sila'y tuliin, at sa kanila'y ipagbiling ganapin ang kautusan ni Moises. At nangagkatipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pagusapan ang bagay na ito. At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng Evangelio, at sila'y magsisampalataya. At ang Dios, na nakatataho ng puso, ay nagpatotoo sa kanila, na sa kanila'y ibinigay ang Espiritu Santo, na gaya naman ng kaniyang ginawa sa atin; At tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, na nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang mga puso. Ngayon nga bakit ninyo tinutukso ang Dios, na inyong nilalagyan ng pamatok ang batok ng mga alagad na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi maaaring makadala? Datapuwa't naniniwala tayo na tayo'y mangaliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman nila. At nagsitahimik ang buong karamihan; at kanilang pinakinggan si Bernabe at si Pablo na nagsisipagsaysay ng mga tanda at ng mga kababalaghang ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan nila. At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako: Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan. At dito'y nasasangayon ang mga salita ng mga propeta; gaya ng nasusulat, Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, At muli kong itatayo ang tabernakulo ni David, na nabagsak; At muli kong itatayo ang nangasira sa kaniya. At ito'y aking itatayo: Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan, Sabi ng Panginoon, na nagpapakilala ng mga bagay na ito mula nang una. Dahil dito'y ang hatol ko, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios; Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo. Sapagka't si Moises mula nang unang panahon ay mayroon sa bawa't bayan na nangangaral tungkol sa kaniya, palibhasa'y binabasa sa mga sinagoga sa bawa't sabbath. Nang magkagayo'y minagaling ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesia, na magsihirang ng mga tao sa kanilang magkakasama, at suguin sa Antioquia na kasama ni Pablo at ni Bernabe; si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas na mga nangungulo sa mga kapatid: At nagsisulat sila sa pamamagitan nila, Ang mga apostol at ang mga matanda, mga kapatid, sa mga kapatid na nangasa mga Gentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati: Sapagka't aming nabalitaan na ang ilang nagsialis sa amin ay nangangbagabag sa inyo ng mga salita, na isininsay ang inyong mga kaluluwa; na sa kanila'y hindi kami nangagutos ng anoman; Ay minagaling namin, nang mapagkaisahan na, na magsihirang ng mga lalake at suguin sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na si Bernabe at si Pablo, Na mga lalaking nangagsapanganib ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. Kaya nga sinugo namin si Judas at si Silas, na mangagsasaysay din naman sila sa inyo ng gayon ding mga bagay sa salita ng bibig. Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo. Kaya nga, nang sila'y mapayaon na, ay nagsilusong sa Antioquia; at nang matipon na nila ang karamihan, ay kanilang ibinigay ang sulat. At nang ito'y kanilang mabasa na, ay nangagalak dahil sa pagkaaliw. Si Judas at si Silas, palibhasa'y mga propeta rin naman, ay inaralan ang mga kapatid ng maraming mga salita, at sila'y pinapagtibay. At nang sila'y makapaggugol na ng ilang panahon doon, ay payapang pinapagbalik sila ng mga kapatid sa mga nagsipagsugo sa kanila. Datapuwa't minagaling ni Silas ang matira roon. Datapuwa't nangatira si Pablo at si Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon, na kasama naman ng ibang marami.

Mga Gawa 15:1-35 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

May dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa pinuno ng iglesya. Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.” Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap din niyang tulad natin nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo. Iisa ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat sila'y nanalig kay Jesu-Cristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus; gayundin naman sila.” Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya. Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat, ‘Pagkatapos nito ay babalik ako, at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David. Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho, upang hanapin at sambahin ng lahat ng mga tao ang Panginoon; ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin. Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’ “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating gawing mahirap para sa mga Hentil ang paglapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila at sabihang huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, huwag kakain ng hayop na binigti, at huwag kakain ng dugo. Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.” Kaya't minabuti ng mga apostol, ng mga pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman: “Kaming mga apostol at pinuno ng iglesya ay bumabati sa mga mananampalatayang Hentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inuutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na talagang kailangan. Huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan at mapapabuti kayo. Paalam.” At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa kanilang narinig. Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpalakas ng kanilang loob at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. Nanatili naman sina Pablo at Bernabe sa Antioquia; at kasama ng marami pang iba, sila'y nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya