Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa atin na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi dahil sa lumang batas na nakasulat, kundi dahil sa bagong buhay ng Espiritu.
Ang ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung ano ang pag-iimbot kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba.” Ngunit dahil sa kautusan, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang kautusan. Noong una, namuhay ako nang walang kautusan. Subalit nang dumating ang kautusan, nabuhay ang kasalanan at ako'y namatay. Ang kautusang dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang kautusan upang ako'y dayain, at sa gayon, ay napatay nga ako ng kasalanan.
Kaya nga, banal ang Kautusan at ang bawat utos ay banal, matuwid, at mabuti. Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag, sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.
Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan. Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang nananatili sa akin. Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang magawâ ang mabuting ninanais ko. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin. Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan. Anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin? Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!
Ito nga ang kalagayan ko: sa aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking katawang makalaman, pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan.