Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
sintatag ng langit ang iyong katapatan.
Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo'y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)
Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
may banal na takot sa iyo at paggalang.
O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
alon mang malaki'y napapatahimik.
Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
ay walang kaparis, di matatawaran!
Ang kaharian mo ay makatarungan,
saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
ang pamamahala mong ginagampanan.
Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.