Mga Awit 73
73
IKATLONG AKLAT
(Mga Awit 73—89)
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
1Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 73: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society