Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 116

116
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
1Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
3Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
4Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
5Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
6Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
7Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.
8Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
9Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10Laging#2 Cor. 4:13. buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
“Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
12Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!

Kasalukuyang Napili:

Mga Awit 116: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya