Mga Kawikaan 8
8
Papuri sa Karunungan
1Hindi#Kaw. 1:20-21. mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
2Nasa dako siyang mataas,
sa tagpuan ng mga landas;
3nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
4“Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
para nga sa lahat itong aking panawagan.
5Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
6Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
7Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
8Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
9Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
at sa marurunong ito ay pawang tama.
10Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
11“Pagkat#Ecc. 24:1-22. akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
12Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
13Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
14Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,
ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
15Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala,
nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama.
16Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula,
at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila.
17Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,
kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
18Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,
kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay.
19Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,
mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.
20Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran,
ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan.
21Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,
aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan.
22“Sa#Ecc. 1:4, 9; Pah. 3:14. lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una,
noong una pang panahon ako ay nalikha na.
23Matagal nang panahon nang anyuan niya ako,
bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
24Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw,
wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw.
25Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok,
nang ako ay isilang dito sa sansinukob.
26Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid,
nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
27Nang#Kar. 9:9; Ecc. 24:3-6. likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,
maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
28Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,
at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
29Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,
nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
30ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,
ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
31Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos,
dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.
32“At#Ecc. 14:20-27. ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan,
sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay.
33Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,
huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
34Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
35Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,
at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan.
36Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,
ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”
Kasalukuyang Napili:
Mga Kawikaan 8: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society