Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 7

7
1Aking anak, salita ko sana ay ingatan,
itanim sa isip at huwag kalimutan.
2Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,
turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.
3Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,
at sikapin mong matanim sa iyong isipan.
4Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,
at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.
5Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,
nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.
Ang Babaing Mapangalunya
6Ako ay dumungaw sa bintanang bukás,
at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,
7ang aking nakita'y maraming kabataan,
ngunit may napansin akong isang mangmang.
8Naglalakad siya sa may panulukan,
ang tinutungo'y sa babaing tahanan.
9Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,
sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla.
10Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan,
mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.
11Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot,
di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.
12Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,
walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang.
13Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,
at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit:
14“Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,
katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos.
15Ako ay narito upang ika'y salubungin,
mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.
16Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,
linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay.
17Ito'y aking winisikan ng pabangong mira,
bukod pa sa aloe at mabangong kanela.
18Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa,
ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya.
19Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo,
pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo.
20Marami ang baon niyang salapi,
pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.”
21Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok,
sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog.
22Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok,
parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod,
mailap na usa, sa patibong ay nahulog,
23hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos.
Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad,
hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas.
24Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,
at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig.
25Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,
ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis,
26sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,
at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak.
27Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,
tiyak na patungo sa malagim na kamatayan.

Kasalukuyang Napili:

Mga Kawikaan 7: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in