Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig, sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit. Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig, pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit. Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala, huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita. Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay. At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay, sa landas mo'y hindi ka matatalisod. Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin, at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing. Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan, hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang. Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo, at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo. Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ. Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan, huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.” Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan. Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan, kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan. Huwag kang maiinggit sa taong marahas ni lalakad man sa masama niyang landas. Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot, ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot. Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama, ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala. Ang mga palalo'y kanyang kinasusuklaman, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban. Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan, ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.
Basahin Mga Kawikaan 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Kawikaan 3:19-35
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas