Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 24

24
-19-
1Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan. 2Ang nasa isip nila'y laging kaguluhan, at ang dila nila'y puno ng kasinungalingan.
-20-
3Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. 4Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.
-21-
5Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan. At ang kaalaman ay kapangyarihan. 6Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pagpaplano sapagkat ang tagumpay ay bunga ng mabuting payo.
-22-
7Ang malalim na kasabihan ay di mauunawaan ng mangmang. Wala itong masasabi sa mahahalagang usapan.
-23-
8Ang mahilig sa paggawa ng masama ay tinatawag na puno ng kasamaan. 9Anumang pakana ng masama ay kasalanan, at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa.
-24-
10Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina.
-25-
11Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan. 12Kapag sinabi mong, “Wala akong pakialam sa taong iyan,” ito'y hindi maikakaila sa Diyos na nakakaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo. Pagbabayarin niya ang tao ayon sa ginawa nito.
-26-
13Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makakabuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan ay masarap sa panlasa, 14ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
-27-
15Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan, 16sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.
-28-
17Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan. 18Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan.
-29-
19Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa. 20Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.
-30-
21Anak, igalang at sundin mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa kanila 22sapagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa nila sa iyo?
Mga Karagdagang Kawikaan
23Narito pa ang ilang mahahalagang kawikaan:
Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan. 24Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan. 25Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.
26Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.
28Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya. 29Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!”
30Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. 31Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. 32Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: 33Kaunting#Kaw. 6:10-11. tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, 34samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.

Kasalukuyang Napili:

Mga Kawikaan 24: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in