Kaya nga, sapagkat mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa paghahangad ninyong maging tanyag; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.
Kahit siya'y likas at tunay na Diyos,
hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
Sa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos,
at naging katulad ng isang alipin.
Ipinanganak siyang tulad ng mga karaniwang tao.
At nang si Cristo'y maging tao,
nagpakumbabá siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
maging ito man ay kamatayan sa krus.
At dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
at ibinigay sa kanya ang pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Sa gayon, sa pangalan ni Jesus
ay luluhod at magpupuri ang lahat
ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.
At para sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama,
ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ang Panginoon.
Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagtutol at pagtatalo, upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng mga taong mapanlinlang at mga masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng bituing nagniningning sa kalangitan, habang ibinabalita ninyo sa kanila ang mensahe na nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa araw ng pagdating ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang aking mga pagpapagal sa inyo.
Kung ang buhay ko ma'y maging handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.