YouVersion Logo
Search Icon

Marcos 7:17, 18, 19, 20, 21, 22, 23, 24, 25, 26, 27, 28, 29, 30, 31, 32, 33, 34, 35, 36, 37

Marcos 7:17 RTPV05

Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga.

Marcos 7:18 RTPV05

“Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya

Marcos 7:19 RTPV05

sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.

Marcos 7:20 RTPV05

At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.

Marcos 7:21 RTPV05

Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay

Marcos 7:22 RTPV05

mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan.

Marcos 7:23 RTPV05

Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya.”

Marcos 7:24 RTPV05

Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lunsod ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari.

Marcos 7:25 RTPV05

Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang inang may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan.

Marcos 7:26 RTPV05

Ang babaing ito'y isang Griego na Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak.

Marcos 7:27 RTPV05

Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”

Marcos 7:28 RTPV05

Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit kinakain din ng mga asong nasa ilalim ng mesa ang tira ng mga anak.”

Marcos 7:29 RTPV05

Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”

Marcos 7:30 RTPV05

Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.

Marcos 7:31 RTPV05

Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis.

Marcos 7:32 RTPV05

Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at pipi, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay.

Marcos 7:33 RTPV05

Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi.

Marcos 7:34 RTPV05

Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga. Pagkatapos, inutos niya sa tainga ng lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Bumukas ka!”

Marcos 7:35 RTPV05

Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos.

Marcos 7:36 RTPV05

Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita.

Marcos 7:37 RTPV05

Buong paghangang sinasabi nila, “Ang lahat ng kanyang ginagawa ay napakabuti! Pinapagaling pa niya ang mga bingi at pipi!”