YouVersion Logo
Search Icon

Marcos 14:12, 13, 15, 16, 17, 18, 19, 20, 21, 22, 23, 24, 25, 26, 27, 28, 29, 30, 31

Marcos 14:12 RTPV05

Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”

Marcos 14:13 RTPV05

Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya

Marcos 14:15 RTPV05

At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”

Marcos 14:16 RTPV05

Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.

Marcos 14:17 RTPV05

Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa.

Marcos 14:18 RTPV05

Habang sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magtataksil sa akin.”

Marcos 14:19 RTPV05

Nag-umpisang malungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?”

Marcos 14:20 RTPV05

Sumagot siya, “Isa sa inyo na kasalo ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok.

Marcos 14:21 RTPV05

Mamamatay ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Marcos 14:22 RTPV05

Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.”

Marcos 14:23 RTPV05

Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat.

Marcos 14:24 RTPV05

Sinabi niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami.

Marcos 14:25 RTPV05

Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na ako'y uminom ng bagong alak sa kaharian ng Diyos.”

Marcos 14:26 RTPV05

Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.

Marcos 14:27 RTPV05

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’

Marcos 14:28 RTPV05

Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

Marcos 14:29 RTPV05

Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”

Marcos 14:30 RTPV05

Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.”

Marcos 14:31 RTPV05

Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat.