Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”
Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa po sa aking pagkabata ay tinutupad ko na ang mga iyan.”
Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.
Pinagmasdan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap makapasok sa kaharian ng Diyos! Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos.”
Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”
Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”
Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”