Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 1:35-45

Marcos 1:35-45 RTPV05

Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.” Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo. Isang taong may ketong ang lumapit kay Jesus, lumuhod ito at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus at pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.” Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa labas ng bayan subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.