Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Ngunit matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad.
Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y puno ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”
Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”
Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.
Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. Bumangon kayo at tayo na! Narito na ang magtataksil sa akin.”
Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”
Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At siya'y nilapitan nila at dinakip.
Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng labindalawang batalyon ng mga anghel? Ngunit paanong matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?”
Binalingan niya ang mga tao at sinabi, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”
Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.