Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 21:1-22

Mateo 21:1-22 RTPV05

Malapit na sa Jerusalem nang sila ay dumaan sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang inahing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng aming Panginoon at ipapaubaya niya agad ang mga iyon sa inyo.” Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta: “Sa lunsod ng Zion ay ipahayag ninyo, ‘Tingnan mo, ang hari mo'y dumarating. Siya'y mapagpakumbabá; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno, at sa isang batang asno na anak ng isang babaing asno.’” Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila kay Jesus ang inahing asno at ang anak nito, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal. Pagkatapos, sumakay dito si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, “Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. “Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea,” sagot ng karamihan. Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagbibili at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Sinabi niya, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.” Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo ng, “Purihin ang Anak ni David!” Sinabi nila kay Jesus, “Di mo ba naririnig ang sinasabi nila?” “Naririnig ko!” tugon ni Jesus. “Bakit? Hindi pa ba ninyo nababasa ang ganitong pangungusap sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri?’” Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lunsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi. Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lunsod, siya'y nakaramdam ng gutom. Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno. Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y mananalig sa Diyos at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung nananalig kayo.”