Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. Kung nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog’, hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?”
Sumagot siya, “Kung kayo'y may tupang mahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”
Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. Umalis naman ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.
Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
“Narito ang lingkod ko na aking hinirang,
ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.
Hindi siya makikipag-away o makikipagsigawan,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan,
hindi niya puputulin ang tambong marupok,
hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap,
hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap;
at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.”