Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus. Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso.
Basahin Mateo 10
Ibahagi
“Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Tandaan ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.” “Tingnan ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. Mga alagad ko, mag-ingat kayo sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Sanedrin, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. Sa pagkakataong iyon, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magpapatotoo sapagkat ito'y kusang ipagkakaloob sa inyo. Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. “Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao. “Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 10:1-9, 11-25
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas