Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 1:39-55

Lucas 1:39-55 RTPV05

Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!” At sinabi ni Maria, “Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad; dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Siya'y banal! Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, nilito niya ang mga may palalong isip. Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad, at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman. Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel, at naalala ito upang kanyang kahabagan. Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”