Sumagot si Satanas, “Kahit anong bagay ay ibibigay ng tao, huwag lamang siyang mamatay. Subukin ninyong saktan ang kanyang katawan at sigurado kong susumpain niya kayo nang harap-harapan!” Sinabi ni Yahweh, “Kung gayon, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang papatayin.” Kaya umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh at tinadtad ng nagnanaknak na sugat ang buo nitong katawan mula ulo hanggang talampakan. Naupo si Job sa tabi ng basurahan at kinamot niya ng isang pirasong basag na palayok ang kanyang mga sugat. Sinabi ng kanyang asawa, “Mananatili ka pa bang matuwid? Sumpain mo ang Diyos at nang mamatay ka na!” Ang sagot ni Job, “Hindi mo naiintindihan ang iyong sinasabi. Pagpapala lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos? Hindi ba natin tatanggapin kung bigyan niya tayo ng pagdurusa?” Sa kabila ng kanyang paghihirap, hindi nagsalita si Job ng laban sa Diyos. Ang masamang nangyari kay Job ay nabalitaan ng tatlo niyang kaibigang si Elifaz na Temaneo, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamita. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang palakasin ang loob niya at makiramay sa kanya. Malayo pa sila'y nakita na nila si Job ngunit hindi nila ito nakilala. Nang makilala nila ito, hindi nila napigilang umiyak nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng abo sa ulo dahil sa pagdadalamhati. Pitong araw at pitong gabi silang naupo sa lupa kasama ni Job. Ngunit hindi nila ito pinagsabihan ng kahit ano sapagkat nakikita nilang hirap na hirap ito sa kanyang kalagayan.
Basahin Job 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Job 2:4-13
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas