Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo upang dakpin si Jesus. Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang nasa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?” Sa kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin, at ang lahat ng nananalig sa akin ay uminom. Sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Mula sa puso ng nananalig sa akin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’” Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa muling nabuhay at niluwalhati. Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit mayroon namang sumagot, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Hindi ba sinasabi sa kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. Gusto ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang mangahas na humuli sa kanya. Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” Sumagot sila, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad niya!” “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya, kaya't sila'y mga sinumpa!” Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?” Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.” [Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.
Basahin Juan 7
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Juan 7:32-53
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas