Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y humanga. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak. “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan, sa halip ay inilipat na siya sa buhay mula sa kamatayan. Pakatandaan ninyo na darating ang panahon, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. Binigyan din niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila'y muling mabubuhay; lahat ng gumawa ng kabutihan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay paparusahan.” “Hindi ako gumagawa dahil sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpasugo kayo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi galing sa tao ang aking patotoo; sinasabi ko ito upang kayo ay maligtas. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan, ang mga gawaing ipinapagawa sa akin ng Ama ang siya ko namang ginaganap; iyan ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay. “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. Subalit kilala ko kayo; alam kong wala sa inyo ang pag-ibig ng Diyos. Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, ito'y inyong tatanggapin. Ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayo maniniwala sa akin? Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Dahil hindi ninyo pinapaniwalaan ang mga isinulat niya, hindi rin ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko.”
Basahin Juan 5
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Juan 5:19-47
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas